Its the Taught Dot Counts

Bobo ka nga ba kung hindi ka magaling mag-English?

Bata pa lamang ako ay may kakaibang impresyon na para sa iba kapag nagsasalita ka sa wikang English. Mula sa eskuwela hanggang sa lugar kung saan kami nakatira. Laging may “wow factor” kapag nakakagamit ka ng mga salitang kasing lalim ng Mariana’s Trench o di kaya nama’y raratratin mo ng mga salitang tunog sosyal kung sinoman ang kausap mo. Pero bakit nga ba ganito ang tingin natin sa lenggwaheng ito? Magkamali ka lang nang kahit kaunti sa grammar mo, wasak ang buong pagkatao mo… Ito nga ba talaga ang basehan ng talino?

Apat na taon din ang inilagi ko sa Kolehiyo ng Komunikasyon, isang kolehiyo kung saan hinuhubog ang kasanayan mo sa pakikipagtalastasan at hinuhulma kung paano mo dapat ipahayag kung anoman ang nararamdaman mo. Kaakibat din ng pagiging estudyante ko sa kolehiyong iyon ang pag-aakala ng iba na kasisado na namin ang diksyonaryo, syempre, yun talaga ang impresyon pag MassComm student ka—akala nila ay sasaniban ka ng isang ispiritung Briton at mag-e-English ka nang parang walang bukas. Sa totoo lang, sa araw-araw na pagpasok ko ay baon-baon ko lang ang iilang mga salitang Ingles na natutunan ko sa elementarya at haiskul. Bitbit ko rin ang kaunting kaalaman sa grammar, alam ko naman kahit papaano kung kalian ilalagay si letter s sa isang pangungusap. Aamini ko, kumukuliling din ang tainga ko kapag nakakarinig ako ng mali-maling grammar at nanlalaki ang mga mata ko sa tuwing makakabasa ng mga palyadong Ingles. Pero sa isip-isip ko, “ayos lang yan, Pinoy naman tayo eh. Filipino ang salita natin…”

Ayun na nga, Pinoy tayo pero patuloy ang pagkutya natin sa sariling atin. Mas nakakainis palang malaman na mas nagpapakadalubhasa tayo sa isang lenggwaheng kalianman ay hindi naging atin. Isipin mo na lang iyong mga malalaking negosyante sa bansa, mga politiko, mga celebrity, lahat, nagpapasikatan sa pag-e-English. Isama mo pa yung mga kabataan ngayon na imbes tinuturuan ng Filipino ng mga magulang ay pilit na sinasanay na magsalita ng Ingles. Ikaw pa tuloy ang mag-aadjust para lang maintindihan ka ng mga chikiting na ito na mistulan ng dayuhan sa sariling bansa. Mas ayos siguro kung nakakapag-English at nakakapag-Tagalog din.

Mas dapat siguro tayong humanga doon sa mga taong mas bihasa sa salita ng ating bansa. Sa totoo lang, hindi pa ako nakakakilala ng isang taong napakahusay managalog, yung taong mas piniling basahin ang UP Diksyonaryong Filipino kaysa sa diksyonaryo ni Mareng Merriam. Iilan nga rin ba sa atin ang nakakaalam ng kahulugan ng mga salitang “atip”, “barkilan,” “pagaw,” “agihap,” at marami pang iba na siyang tunay na “nosebleed”. Mas masaya siguro kung iinit ang ulo natin kung marinig natin na mali ang paggamit natin sa Wikang Filipino at pupurihin natin yung mga dalubhasa sa malalalim na salitang Pinoy.

Huwag sana natin agad na husgahan ang mga lumiliko-liko ang paggamit sa salitang Ingles. Huwag rin tayong labis na humanga sa mga dayuhang dila. Oras na siguro para kainggitan ang mga kapitbahay natin sa Asya na talagang mas mahal ang sarili nilang wika. Hindi ko naman sinasabing wag na tayong mag-English, pero tandaan din natin hindi lang Ingles ang wika para ipahayag ang nararamdam mo gayundin para sukatin ang talino mo. Pinoy ka, hindi ka tanga kung nagkakamali ka sa pang-i-Ingles at mas sosyal ka kung Filipino ang gagamitin mo. Sabi nga nila, don’t judge a book buy its cover and enjoy life to the foolest.

“Gets nyo na yun!” 😛

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s