KALYE PILIPINAS: ISANG MALAKING PARKING LOT

Ang isang pag-ibig, ay parang lansangan…”

Ito ay isang pamosong linya mula sa kanta ng VST and Co. na pinamagatang “Awitin mo at Isasayaw Ko.” Ikinumpara ng kanta ang pag-ibig sa lansangan dahil daw pandalawahan, may north bound at south bound. Hindi ko alam kung iyon lang ba ang nais ipakahulugan ng kanta o may iba pa. Kung iisipin mo kasi, ang pag-ibig ay tila isa talagang lansangan…

Lansangan ang pag-ibig dahil tulad ng mga kalye sa Pilipinas, magulo at nakakaasar. Karamihan sa mga motorista ay ayaw sumunod sa batas pantrapiko, tulad niyo ng syota mo na ayaw pakinggan at sundin ang gusto ng isa’t isa. Minsan, gaya rin ng traffic sa EDSA ang relasyon ninyo, walang pag-usad. Katulad din ng pag-ibig ang mga aksidente sa lansangan, madalas may banggaan, madalas may bangayan. At kung malala pa, siguradong may mawawasak na puso na parang nasagasaan ng 10-wheeler na trak.

Okay, hindi talaga tungkol sa pag-ibig ang point ko. Wala akong romantikong utak para payuhan ang mga pusong sawi. Mas may pakialam ako sa situwasyon ng ating mga lansangan. Dahil kung ang problema sa lansangan ay parang pag-iibigan ng mga bida sa pinapanood mong teleserye diyan sa Sitio La Presa, utang na loob, wala na sanang forever.

Alam kong hindi lamang ako ang nakararanas nang ganitong situwasyon araw-araw. Mabigat na daloy na trapiko, pahirapang sumakay, baha, at iba pa. Sa halos 5 taon kong pagko-commute, hindi pa rin ako sanay na mga eksena sa ating mga kakalsadahan.

Una na rito, ang hindi pagsunod ng mga motorista sa mga batas-trapiko. Grabe, ang sarap regaluhan ng krayola ng mga tsuper dahil mukhang kailangan pa nilang pag-aralan uli ang mga kulay. Tuloy-tuloy na andar kapag naka-red ang traffic light, ang nangyayari tuloy, walang sistema ang pagdaloy ng mga sasakyan. Suwerte mo kung mas malaki ka kaysa sa sasakyan sa kabilang bahagi ng intersection. Madalas na eksena ito kung umuulan at nakasilong ang mga traffic enforcer, minsan nga, kahit maayos ang panahon.

Isa pa, yung mga nakahambalang na sasakyan sa maliliit na kalye. Sa may parteng Marilao sa Bulacan, isang abalang kalsada ang maliit na national road doon. Madalas trapik. Kani-kaniyang hinuha kung bakit traffic, dahil may misa ngayon sa simbahan, baka may nasiraang sasakyan, o ano pa. Pero malalaman mo lang na mayroong astiging tsuper na naghambalang sa kalsada at ginawang parking lot ang kalye. Wow! Ang sarap bigyan ng jacket at ipantaklob sa mukha niya hanggang di na makahinga. Wala bang common sense yung mga ganoong tao? Kilo-kilometro na ang haba ng usad-pagong na traffic dahil lang sa ka-iresponsablihan niya.

Ugali rin kasi ng nakararami sa atin ang maging maangas, lalo na kung nagmamaneho ng sarili mong sasakyan at higit kung ikaw lang ang may kakayahang bumili ng ganoong klaseng oto. Kamakailan, naging maugong ang balita tungkol sa isang MMDA constable at isang tsuper ng maserati. Kani-kaniyang panig ang madlang pipol at iba-ibang bersiyon na rin ng kuwento ang lumabas. Sabay komento pa ng isang news anchor na “hindi ito issue nang kung sino ang mayaman at hindi.” Hindi ako sang-ayon doon. Aminin man natin o hindi, banggaan ito ng kapangyarihan. May authority ang MMDA constable na pinagkaloob ng batas, may kapangyarihan din si mr. maserati na pinagkaloob ng kayamanan niya. Isipin na lang natin na kung isang pedicab driver ang gumawa ng kilos ng tsuper ng mamahaling oto, may ganito bang kalaking eksena?

Ewan ko ba naman sa ating mga Pilipino, isang simpleng batas lang, hindi pa natin masunod. Tapos panay ang angal natin na mahirap ang buhay. Alam naman natin ang sagot. Kulang talaga tayo sa disiplina. Kitang-kita sa buhay sa mga kalsada ng Pilipinas na siyang daan, literal na daan, ng pag-unlad ng bayan. Sanga-sangang problema tuloy ang dulot nito gaya ng kaguluhan, init ng ulo, dahas, at iba pa.

Huwag na sana nating itulad ang ating mga pag-iisip sa masisikip na kalye sa Pilipinas. Subukan nating buksan ang expressway sa ating mga utak at wag pairalin ang yabang sa katawan na daig pa ang hangin sa skyway para naman lahat tayo ay magkaroon ng joyride. Ugaliin nating maging disiplinado sa ating mga lansangan. Ikaw din, baka ma-traffic ka at hindi mo mapanood ang paborito mong teleserye na tanging bagay na nabibigay ng kilig diyan sa buhay mo.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s