Sa Panahon ng Mumunting Aksiyon

Larawan mula sa: http://fc01.deviantart.net/fs71/i/2013/176/2/2/my_dragonball_z_poster_2_by_naruttebayo67-d6aku0u.png

Sa kasalukuyan ay puno ng mga teleserye, koreanobela, reality show, at variety show ang telebisyon sa Pilipinas. Ngunit bago pa man nila naukupa ang karamihan sa timeslot sa telebisyon, minsang naghari sa puso ng mga Pilipino, higit sa kabataan, ang iba’t ibang animé series na nakatatak sa atin hanggang sa ngayon.

Isipin mo ang iyong paboritong animé series. Ipikit mo ang iyong mga mata at kantahin sa isip ang opening theme song nito. Ayos lang kahit mali-mali ang lyrics, basta katunog at naaalala mo ang tono. Sigurado akong bukod sa mismong palabas, naaalala mo rin ang panahon na sinusubaybayan mo ang mga ito. Maaaring galing ka sa eskuwela, kagigising mo lang sa siesta, o kauuwi mo lang mula sa paglalaro sa labas.

Talagang bahagi na ng pagkabata natin ang mga kartuns na ito. Kahit na iba-iba ang personalidad ng bawat batang nakilala mo, tiyak na may nagustuhan at sinubaybayan siyang animé series. Ngayon, balikan natin ang masasayang panahon sa mundo nina Eugene at Taguro, Goku at Cell, maging sa panahon nina Recca at Kurei. Magbalik-tanaw tayo sa mga panahong hindi pa kinukuha ng mundo ang iyong kamusmusan.

Aminin mo man o hindi, sobrang naapektuhan ng mga animé series ang buhay mo. Natakot ka rin nang mabalitaan mong namatay raw si Eugene sa Ghost Fighter. Naasar ka rin dahil hindi matalo-talo ni Goku sina Friza, Cell, pati na si Majimboo. Pati sa katangahan ng nag-uumpisang si Sakuragi sa team ng Shohoku.

Pinag-awayan niyo rin ng mga kalaro mo kung sino sa inyo ang magiging si Steve, na leader ng Voltes V, at sino-sino pa ang ibang miyembro nito. Bumuo ka rin ng team na makakasama mo sa pagdayo ng bey blade at crush gear battle. Nabuwisit ka rin, kasama na ang tatay mo, sa pagbuo ng laruang tamiya na napanood sa Let’s Go. At ginaya mo rin ang pagpapalit ng costume ng mga paborito mong tauhan sa Sailormoon at Magic Knight Rayearth.

Nakatutuwa lang na isipin na minsan sa buhay mo, ay mga ganitong bagay lang ang inaalala mo. Bago mo pa isipin ang “forevermore” ninyo ng syota mo, ay inisip mo muna ang happily ever after ni Goku at Chichi. Bago mo pa nalaman ang LQ ay natawa ka muna sa love-hate relationship ni Eugene at Jenny. Natakot ka muna kung maipapasa ba ni Gon ang hunter examination bago mo isipin kung papasa ka sa exam mo ngayon at makatutuloy sa susunod na semester.
Isang mababaw na ideya kung tutuusin ang pagbabalik-tanaw sa mga eksenang ito sa buhay natin. Ngunit talaga namang mapapangiti ka na lang at masasabing mong “namiss ko ’to” sa tuwing iisipin ang matatamis na panahon nang pagkahilig natin sa animé. Napakasarap isipin na tunay tayong naging masaya sa piling ng mga tauhang kailanman ay alam nating hindi magiging katotohanan.

Ikaw, ano ang paborito mong animé at ano ang masayang alaala mo rito? 🙂

Advertisements

2 thoughts on “Sa Panahon ng Mumunting Aksiyon

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s