Isang Manunulat mula Muzon High School

“Hinding-hindi ako mag-aaral dito.”

Ito ang sinabi ko sa aking sarili nang una kong makita ang paaralang iyon. Nasa unang taon ako sa haiskul at sinusundo ang isang ka-serbis doon nang sambitin ko ang mga salitang iyon.

Nasa pribadong paaralan ako noon. Ibang-iba ang paligid ng eskuwelahan namin sa paaralang iyon. Unang beses akong nakakita ng mga nagkaklase sa ilalim ng tent. Mayroon ding mga nag-aaral sa ilalim ng puno. Maputik at walang bakod ang dalawang gusali na may walo atang silid.

Ngunit dalawang taon matapos ang una naming pagkikita, nilunok ko ang aking mga sinabi. Masakit man, nag-enrol ako sa paaralang iyon. Matapos ang ilang panahon, bumalik ako sa lugar na iyon, hindi para maging isang tagamasid, kundi maging isang bahagi ng institusyong minsan kong minaliit. Nagkaroon naman ito ng pag-unlad mula nang una kong makita. Dumami ang mga silid, umayos ang mga pasilidad. Tila napakalayo sa imaheng tumatak na sa aking isip.

“Nagkamali ako.”

Dalawang salita lamang na puno ng pagsisi ang nasambit ko. Sa paaralang ito ko naranasan ang tunay na kaligayahan kasama ang mga simple ngunit mabubuting tao. Dito ko nakilala ang pinakamagagaling na guro sa buong buhay ko bilang mag-aaral. Dito ko rin nailabas ang tunay na talento ko at napatunayang hindi lang ako basta mag-aaral. Higit sa lahat, dito ko nakilala ang mga kaibigang kahanga-hanga, mga kaibigang nakabibilib ang angking husay at kuwento ng kanilang buhay.

Limang taon na ang lumipas nang magtapos ako sa paaralang iyon. Limang taon na rin nang maghiwalay kami ng ikalawang tahanan na humubog sa aking mga nakatagong kakayahan. Limang taon man ang nakaraan, wala pa ring nakatutumbas sa ligayang naranasan ko mula sa eskuwelahang iyon. image

Ngayon, isa na akong ganap na manggagawa. Malayo sa noo’y isang mag-aaral na uhaw sa kaalaman. Ngunit hindi ko pa rin magawang malimot ang pinakamalaking aral na napulot ko sa Muzon High School– na kailanman, ay hindi nasusukat sa laki o hitsura ang kahalagahan ng isang bagay. Habang buhay ko itong bibitbitin, kasabay ng habang buhay kong pagiging isang Muzonian. image image

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s