Eskuwela

photo from: https://www.flickr.com/photos/joaolavinha/10145623065/in/photolist-gswYgB-qrrMNT-eVAKyZ-4DiK5n-6G4RZg-9XDQ8C-ots51E-djcy6x-qAnWrX-8n8MTr-7Mdq9q-chFGuG-abdnH9-8A5baV-s9wGVi-rv8ucp-pQRV6a-bvq19P-rv8t7Z-zZvy5-KYSmi-9rF1Va-79BxXS-8m6tP4-h3VXJ-8Lkq2y-6DCvD7-qCTvVF-dtL5WS-cjj997-NqgBd-4SFYdF-f9PtPC-9eoGN1-oLHUL-e8w8RB-6HN4aJ-bubdH9-hVpTY3-dsWrz4-7MQb4U-6PHZ5M-azS7Kv-m2bdt5-qgoaSi-rdFobr-soR4Q2-4on86F-62RCpX-dCSXnc

“Oh heto, nahalungkat ko iyong class picture natin noong grade 3. Sobrang totoy at nene pa tayo noon.” Tumawa tayo nang sabay at tumingin sa larawan na parang pinandidirihan ang mga hitsura natin dati. Lumapit ka sa akin at humawak sa balikat ko at sinabing hindi mong malilimot ang taon na kami ay nasa grade 3.

“Hindi ko rin iyon malilimutan. Ayaw mo pa ngang banggitin ang pangalan mo e. Nababaduyan ka sa Carmelita. Gusto mo, Mel lang.” Hinampas mo ako nang malakas sabay tawa. Kinuha mo ang tasa sa lamesa at hinigop ang kape, pangontra sa lamig na hatid ng ulan.

“Dahil sa ulan din tayo nagkakilala noon, hindi ba? Wala akong payong. Pinasilong mo ako. Tapos magkapitbahay lang pala tayo.” Napangiti ka. Dinugtungan mo ang sinabi ko. Nagpasalamat ka sa ulan kasi dahil sa kaniya, nagkakilala tayo.

————–

“Ang pangit ko rito. May bangs pa oh.” Sabay tayong tumawa kasi nakakadiri naman talaga ang mga hitsura natin noon. Lumapit ako nang maiigi, malabo ang mata ko eh, at kumapit sa balikat mo. “Hindi ko malilimot itong grade 3, ang saya ng mga panahon na iyan e.” Sinabi ko habang nakatitig sa larawan.

“Siyempre, Maria Carmelita kaya iyon, parang lola ang pangalan.” Hinampas kita sa balikat sabay tawa nang malakas. Kailangan kong uminom ng kape. Pangontra sa lamig na dulot nang walang tigil na ulan.

“Oo, sa ulan iyon. Masaya ako noon kasi nakilala kita. Salamat sa ulan.” Sagot ko kasi naalala mong dahil sa ulan kaya tayo nagkakilala.

————

“Hanggang haiskul, magkaklase tayo, diba? Akalain mo iyon, nakasabay ka sa akin sa section 1.” Pagyayabang ko sa iyo. Hindi ka naman nagpahuli kasi ipinagyabang mo rin ang madalas kong paghingi sa iyo noon ng papel, panghihiram ng ballpen, at pambuburaot ko ng baon mo.

“Hindi ka rin uuwi hangga’t nasa ekuwelahan pa ako. Clingy ka sa akin e. Kahit ginagabi na ako dahil sa org namin, nakabantay ka pa rin.” Todo depensa ka naman sa sinabi kong iyan.

“Sa bagay, suwerte ako dahil lagi kong kasama ang Miss Mabini High. Para akong may kasamang Miss Universe lagi noon.” Nagyabang ka rin dahil sa sinabi kong iyan. Inulit ang kaway ng isang beauty queen at nagpakyut.

————-

“Grabe ka, hindi naman ako bobo. Isa pa, hindi ka naman makaka-survive kung hindi dahil sa akin. Inuubos mo lagi ang papel ko, pati mga reserba kong ballpen, pati sa baon ko nakikihati ka para makatipid.” Depensa ko sa kayabangan mo. Totoo naman eh. Ako ang national bookstore mo noon, pati na rin canteen.

“Siyempre, hahanapin ka sa akin ng nanay mo. Isang kanto lang kaya ang layo ng bahay ninyo sa amin. Lagi pang naroon sa kalye namin ang nanay mo. Tsaka ginagabi rin kami dahil sa org ko, noh?” Papatalo ba ako sa iyo. Huwag kang masyadong mahangin, brad.

“Gusto mo naman iyon e. Sikat ka sa mga ka-barkada mo pati sa mga ka-org mo. Ang dami niyong hininging pabor sa akin. Magmodel sa kampanya niyo, sumayaw sa mga program na kayo ang nag-organize. Napakinabangan niyo nang husto ang byuti ko.” Kumaway ako niyan at ibinigay ang matamis na ngiti ni Miss Mabini High.

————-

“Sa wakas, hindi na tayo magkaklase sa kolehiyo. Civil engineering ang kinuha ko samantalang nag-Education ka naman. Iyon lang, iisang unibersidad pa rin. Kaya madalas pa rin tayong magkasama. Pangako pa nga nating magtatapos tayo at walang kahit anong distraction.” Pag-alaala ko sa panahon natin sa kolehiyo.

“Mabilis lang lumipas ang mga panahong iyon, parang kailan lamang eh mga uhuging first year student tayo. Akalain mong nakagraduate tayo nang nasa panahon.” Tungkol naman sa pagpasa natin sa licensure exam ang isinagot mo riyan. Isa sa pinakamalaki nating tagumpay.

“Pero heto rin ang panahong umalis ka. Pagkatapos ng kolehiyo, nawala kang parang bula.” Tiningnan mo ako ng masama at huminga nang malalim, naglitanya. Nanghihinayang sa mga panahong hindi ka kasama.

————

“Nagsasawa na nga ako sa mukha mo eh. Simula grade three, oh. Natupad naman natin ang pangako natin sa isa’t isa, hindi ba?” Tinitigan kita, bumalik ang mga alaala.

“Totoo iyan. Tapos, pumasa tayong parehas sa licensure exam. Isang take lang! Feeling ko kasi talino na kita ng mga panahong iyan.” Napakasayang balikan ng mga tagumpay na bumago sa ating buhay.

“Sus! Babalik na naman ba tayo sa eksenang iyan? Hindi ba’t ipinaliwanag ko na? Ayaw ko namang umalis noon eh. Para sa pamilya iyon. Sino ba naman ang hindi gagawin ang lahat para sa kaniyang pamilya? Narito naman na ako e. Nakabalik na ako…”

————

Hindi mo pa natatapos ang sinasabi mo ay biglang tumunog ang cellphone mo. Umilaw ito at nakita ko ang wallpaper. Ikaw kasama ang asawa mo at anak. Malaki na pala siya. Sa bagay, limang taon na rin nang umalis ka patungong Amerika upang doon manganak. Isa kayong masayang pamilya.

Dinampot mo ang cellphone mo at binasa ang text. Ilang saglit lang ay nagpaalam ka na. Heto ako, nakikinig muli sa paalam mo.

————

Tumunog ang telepono ko. Ang asawa ko, nasa labas na ng coffee shop na tinambayan natin. “Nariyan na ang asawa ko sa labas. Sige, sa susunod uli, best friend!”

“Alam kong nanghihinayang ka. Pero alam kong masaya ka kasi masaya ako.” Iniisip ko habang papalabas sa coffee shop at muling iniiwan ka.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s