Bulong-bulungan

Tulad ng mga nakaraang araw, isang malakas na sigaw ang gumising kay Jane. Bulyawan ng mag-asawa nilang kapitbahay ang nagsisilbi niyang alarm clock halos araw-araw. Tagos sa mininipis na dingding ang ingay ng sigawan gayundin ang bawat dabog at lagabog. Kung hindi naman mula sa mag-asawa, ang maagang rambulan ng mga lasing na tambay o di kaya ay tawanan ng mga magkukumare na maagang naka-duty sa kanilang tsikahan ang gumigising sa kaniya.

Ganito sa lugar nina Jane na makikita sa isang masikip at mahabang eskinita sa Maynila. Nagsisilbing palasyo ng mga taga-rito ang tagpi-tagping kahoy at yero. Normal na musika na rin para sa mga taga-rito ang iba’t ibang ingay tulad ng mga sigawan, tawanan, at asaran. Simple lang naman ang takbo ng buhay ng mga taga-rito, lagi lang nilang iniisip ang kasiyahan sa bawat araw, lagi lang nilang sinusunod ang nais nilang gawin nang hindi iniisip ang maaaring mangyari bukas.

Ngunit kaiba si Jane sa mga dalaga sa kanilang eskinita. Hindi siya tulad ng kaniyang mga kaedad na nagkaroon na ng pamilya at anak sa murang edad. Naging masipag siyang mag-aaral at pilit na iginapang ang kaniyang pagkokolehiyo. Nais niya kasing makaahon sa kahirapan at balikan ang tunay na asawa ng kaniyang tatay na minsang inalipusta sila. Tumanim sa isip ni Jane kung paano sila minaliit ng babaeng iyon na may makinis na balat, maayos na pananamit, at magagarang mga alahas. Gusto ni Jane na mabago ang takbo ng kanilang buhay at makaalis sa kanilang kinalalagyan.

Bandang 8 ng umaga, handa na si Jane na pumasok sa opisina. Nagtatrabaho siya sa isang marketing company sa Makati. Hinahanap niya ang kaniyang nanay upang magpaalam ngunit hindi pa ata pumuputok ang araw ay nasa kapitbahay na ito. Sa isip-isip ni Jane ay hindi pa nga nakasisiplyo ang kaniyang nanay ay bida na naman ito sa maghapong kuwentuhan.

Dahil mahuhuli na, napagpasiyahan na ni Jane na umalis. Nagmamadaling naglakad si Jane papalabas ng eskinita at doon ay sasakay ng dyip. Sa kaniyang paglakad, iba’t ibang drama na ang kaniyang narinig. May mga babaeng nagsisigawan dahil naniningil nang hindi mabayad-bayarang utang, may nanghihinayang dahil hindi tumama sa jueteng, may batang ina na nagpapatahan sa kaniyang anak, at mga tambay na nagpaumagahan na naman sa inuman.

——–

Bumaba na si Jane sa dyip at sumakay ng MRT. Ilang minuto ang lumipas at narating na niya ang Ayala Station. Mula rito ay ilang hakbang na lamang ang kanilang opisina.

Mapalad at hindi nahuli si Jane. Limang minuto pa bago ang opisyal na oras ng umpisa ng kanilang trabaho siya nakarating. Hindi lamang maiwasang mapansin ni Jane ang kakaibang tinginan ng mga tao sa opisina sa kaniya habang naglalakad. Ang ilan nga ay nagbubulungan pa habang nakatitig sa kaniya.

Nahihiwagaan man sa nangyayari, sumakay na ng elevator si Jane. Kasabay niya ang dalawang babae na nagbubulungan rin.

“Ayan iyong babaeng laging kasama ni Boss… Kahapon nga, maaga silang umalis rito. At sinakay pa ni Boss yung babae sa kotse niya!” wika ng isang babae habang tila nabibigla naman ang kausap nito sa naririnig.

Narinig iyon ni Jane. Kaya pala. Alam na pala ng buong kompanya ang madalas nilang paglabas ng kaniyang boss. Pagdating ng elevator sa ikatlong palapag, agad na tumungo si Jane sa kaniyang lamesa. Doon ay patuloy ang tinginan ng kaniyang mga katrabaho at mga bulong-bulungan.

Nilapitan siya ng nag-iisa niyang kaibigan sa opisina, si Lara.

“Trending topic na kayo ni Boss sa buong building! Ang bilis kumalat ng tsismis!” bulong ni Lara kay Jane.

“Oo nga e! Narinig ko nga sa elevator. Wala naman silang alam. Wala namang pinagkaiba yung mga tsismosa rito sa mga tsismosa sa lugar namin. Pare-parehas lang silang mapanghusga. Magtrabaho na lang tayo.” sagot ni Jane sa kaibigan.

Lumipas ang ilang oras, mga bandang ala-1 ng hapon, dumating ang sekretarya ng Boss ni Jane at nilapitan siya. Binulungan siya nito. Maya-maya pa ay nagligpit na ng gamit si Jane at umalis kahit hindi pa nila uwian. Tulad ng inaasahan, nag-umpisa ang tinginan at nagmistulang bubuyog ang kaniyang mga kaopisina sa kakabulong.

——-
Halos alas-diyes na ng gabi nang dumating si Jane at kaniyang Boss sa kanilang lugar. Dahil magara ang kotse ng Boss ni Jane, dumami ang miron. Lumabas ng sasakyan si Jane gayundin ang kaniyang Boss. Tinulungan siyang ilabas ang tatlong malalaking supot ng groseri mula sa kotse. Nagpaalam si Jane sa matanda at naglakad na papaloob sa kanilang kalye.

Tulad sa opisina, hindi magkamayaw ang mga kapitbahay sa kanilang bulungan. Kani-kaniyang hinuha kung bakit siya inihatid ng isang lalaking may magarang oto. Kaniya-kaniyang taas ng kilay. Bawat mukha ng kapitbahay ay punong-puno ng pagtataka kasabay nang walang humpay na palitan ng kutob. Nakarating si Jane sa kanilang bahay at wala pa ring nadatnan. Hindi pa rin nakakauwi ang kaniyang nanay.

Inaayos ni Jane ang mga groseri sa kanilang lamesa nang biglang dumating ang kaniyang nanay na nagmamadali at hinihingal pa.

“Nabalitaan kong may mayamang lalaki na naghatid sa iyo. Hindi ka pa ba natututo sa akin?” galit na sabi ng kaniyang nanay.

“Ang bilis ho talaga ng balita no? Kung wala pa po kayong nabalitaan hindi pa kayo uuwi rito.” sagot ni Jane na patuloy sa kaniyang ginagawa.

“Huwag mong ibahin ang usapan! Narinig ko pang mas matanda sa iyo nang milya-milya! Malamang sa malamang, kerida ka niyan.” bulyaw ng kaniyang nanay.

Hindi na sumagot si Jane. Ayaw niyang pag-usapan ang tungkol sa kanila ng kaniyang boss. Napapagod siya. Pagkatapos isalansan ang mga naipamili sa groseri, tumungo na si Jane sa banyo upang magpalit ng damit.

Naiwanan nito ang kaniyang cell phone sa lamesa. Tiyempo namang may nag-text sa kaniya. Dahil nakasilent ito, hindi ito narinig ni Jane. Napansin ng nanay ni Jane na umiilaw ang screen ng telepono. Kinuha niya ito at binasa ang mensahe.

“Magpahinga ka na. Alam kong pagod ka. Hayaan mo, malalagpasan rin natin ito. Masasabi rin natin sa kanila ang ating sekreto. Ingat kayo ng nanay mo. Kita tayo sa opisina bukas, anak.”

“Susmaryosep!” bulong ng nanay ni Jane.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s