Ibalik Mo Ako sa 2009

Matagal na akong naghihintay na may magtanong sa akin kung ano ang pinakapaborito kong taon. Alam kong hindi madalas lumabas sa bibig ng mga tao ang tanong na ito, pero kung sakali mang may magkamali, handa ako sa isasagot ko.

Hindi ko rin alam kung bakit ang 2009 ang pinakapaborito kong taon. Siguro, dahil naging masaya yung huling taon ko sa haiskul, mula sa masayang samahan sa klase hanggang sa mga bagay na nakamit ko sa taon na iyon. Marahil marami rin akong natandaan sa mga bagay-bagay sa taong iyon na sobra kong na-enjoy.

Hindi naman kita kukumbinsihin na maging paborito mo rin ang 2009. Pero dahil narito ka na at nagbabasa, hayaan mo akong ibahagi sa iyo ang sampung hindi ko malilimutang bahagi ng pinakapaborito kong taon na maaaring naging bahagi rin ng buhay mo. Sabayan mo na lang akong magbalik-tanaw sa panahong si Android 18 pa lang ang pinakasikat na android at wala pa ang mga pabebe sa bidyo nila.

  1. Maguindanao Massacre

Mahigit 50 ang naging biktima ng itinuturing na pinakamarahas na pangyayari na may kinalaman sa mga mamamahayag sa buong mundo. Karumaldumal ang naging pagpatay sa mga biktima na ibinaon sa isang hukay sa Ampatuan, Maguindanao. Alam kong naging malaking bagay ito sa lahat ng graduating highschool students noon na gustong kumuha ng kursong may kinalaman sa pamamahayag. Madalas na tanong noon ng mga tao sa akin ay “hindi ka ba natatakot maging Journalist?”

  1. Bagyong Ondoy

Tandang-tanda ko pa, unang araw sana ng aming Intramurals nang maminsala itong si Bagyong Ondoy. Halos isang linggo kaming walang pasok dahil sa malakas na pag-ulan. Ayon sa mga napanood ko noon sa TV, halos lumubog ang Kamaynilaan at mga karatig probinsya dahil sa malakas na ulan.

Kalunos-lunos man na pangyayari, hindi naman natinag ang mga Pilipino at ipinagpatuloy ang buhay dala ang mga iniwang aral ng mga nasabing trahedya.

Kung mayroong mga hindi gaanong masaya, mayroon din namang kinagiliwan ng mga Pilipino. Ito ang mga bagay na nagbigay ng ngiti sa simple nating pamumuhay.

8. Pinoy Big Brother Double Up

Hindi talaga ako fan ng PBB, pero ang season na ito ata ang isa sa pinakapinag-usapang season ng show. Kahit ang mga hindi gusto ang format ng show noong una, ay nahumaling rin sa kulitan ng housemates higit ang tambalang Melai at Jason. Hindi ko rin makakalimutan yung anak nilang si Dengue at ang ekspresyon ni Melai na “Char-char” na marami ring gumaya. Siyempre, isa pa sa memorable ay ang eviction song ng PBB na “It’s Gonna Make Sense” ng Michael Learns To Rock, na naging isa sa mga paborito kong kanta.

7. Ang pag-ingay ng Musika ni Taylor Swift

Isa na nga si Taylor Swift sa pinakasikat na mang-aawit ngayon sa buong mundo. Natatandaan ko pa noong unang taon na nagpaulit-ulit sa Myx at MTV ang music video ng mga kanta niyang Love Story at You Belong With Me. Parang halos lahat ata ng puntahan mo, pinatutugtog ang mga kanta niyang ito.

6. End of the World sa 2012

Hindi ako sigurado kung 2009 nga ba nag-umpisang kumalat ang balitang magugunaw na raw ang mundo sa 2012. Pero natatandaan kong ito ang taon kung saan umingay nang husto ang balita. Sinabayan pa kasi ito ng premiere ng pelikula tungkol nga sa balitang goodbye Earth na sa 2012. Ngayon nga ay 2015 na, buhay pa tayong lahat ang patuloy na naglolokohan.

5. Bro, Ikaw ang Star ng Pasko

“Ang nagsindi nitong ilaw, walang iba kundi ikaw…” Pagsapit ng Nobyembre, naging pambansang Christmas song ang kantang ito mula sa 2009 Station ID ng ABS-CBN. Halaw ito sa patok ding inspirational drama na “May Bukas Pa” na pinagbibidahan ni Santino at Bro. Ito na ata ang isa sa pinakamagandang Christmas song na naisulat. Kaya naman hindi na nakapagtatakang naging paborito itong kanta sa mga Christmas party hanggang sa kasalukuyan.

4. One Time

Hindi rin siguro malilimutan ni Justin Bieber ang 2009. Ito kasi ang taon na sumikat siya kasabay ng kanta niyang One Time. Tulad ni Taylor Swift, paulit-ulit ito sa mga music channel hanggang sa nakabisado ko na ang buong kanta. Nasundan pa ng maraming kanta na naipasikat itong si Bieber kabilang ang kanta niyang “Baby” na may challenging na chorus pagdating sa liriko.

3. Ang Pagdating ng Showtime

Taon rin ng ABS-CBN ang 2009. Ito rin kasi ang taon nang maging patok ang talent search nilang Showtime, na kalaunan ay naging It’s Showtime. Tuwing umaga, maraming grupo ang nagpapasiklab sa kanilang entablado, karamihan ay mga dance group. Kasabay ng pagsikat ng show ay pagsikat ng komedyanteng si Vice Ganda na ipinauso ang mga katagang “May Nag-text.” Unit-unti na ring nagsimulang mawala ang matitinong kausap dahil sa papilosopong pagsagot na pauso ni Vice Ganda.

2. Kpop Invasion

Annyeonghaseyo! Matapos ang pagkahumaling sa mga koreanobela, naging panatiko naman tayo ng mga awiting Koreano o Kpop. Isa lang ang puwedeng sisihin rito, ang kantang “Nobody” ng Wonder Girls. Lahat ata ay na-LSS sa kantang ito na naging official party song ng bansa sa taong iyon. Pagkatapos ng Nobody marami na ring Kpop songs ang sumunod tulad ng Fire, Sorry Sorry, at I Don’t Care.

  1. Farm Ville at Facebook

Ang 2009 rin ang umpisa nang pagkaadik ng mga Pilipino sa social media. Kung noon ay kontento tayo sa nagagawa ng Friendster, tuluyang binago iyon ng pagsikat ng Facebook. Hindi man ito ang unang taon ni Facebook sa mundo, ito naman ang taon na naging matunog ito dahil sa gaming application na Farm Ville. Lahat ay gustong magtanim at i-harvest ang mga ito. Instantly, lahat ng Pilipino ay nagka-interes sa pagtatanim, kahit virtual lang.

Sapat na siguro itong dahilan upang sabihin kong naging memorable sa akin ang 2009, bukod pa sa personal kong karanasan. Alam ko ring kung pasusulatin ka tungkol sa pinakapaborito mong taon, marami kang maisusulat mula sa mga nauso, patok na palabas sa telebisyon, pelikula, musika, ekspresyon, at marami pa.

Kung may time machine lang ako, babalik-balikan ko ang taong 2009.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s