Kolorum

Kung maibebenta ko lamang ang eyebags ko, tatlong condo unit na ang maipupundar ko. Ilang araw na kasi akong overtime sa trabaho. Ganito talaga sa kompanyang pinapasukan ko, tambak sa trabaho tuwing Enero. Pero sa kabilang banda, ayos lamang ito dahil dagdag kita rin.

Mag-aalas-onse na ng gabi ngunit pauwi pa lamang ako. Wala ng bus sa terminal na sinasakyan ko araw-araw. Kaya naman napipilitan na lamang akong sumakay sa mga van na nakapila sa tabi ng palengke malapit sa terminal. Kahit duda ako kung makauuwi pa ako ng buhay kapag sumakay ako sa van, biyaya namang maituturing ito kaysa naman lakarin ko pauwi ang Bocaue.

Apat pa lamang ang sakay ng van, pang-lima ako, nang sumampa ako roon. Karaniwang dose ang sakay ng ganitong van. Ngunit pagkaupo ko, agad nang isinara ang pinto ng van at umalis na. Nabalot ng dilim ang van. Tinted ang mga bintana na nakadaragdag sa kaba ko tuwing sasakay ako sa mga van sa palengke.

Dahil nga madilim sa loob ng van, agad kong hinanap ang cellphone ko upang makita ang pitaka ko sa loob ng bag. Nang pailawin ko ang cellphone ko, may tatlong text messages akong hindi pa nababasa. Naging abala ako sa pagsagot ng mga text na importanteng sagutin ko agad. Hindi ko namalayan na nakalabas na kami ng NLEx. Bumaba ang tatlo sa may kantong may fast food. Mag-iina pala ang tatlo sa bandang likuran ng van. Pagkababa ng tatlo ay umandar naman din agad ang van. Hindi naman sinasadyang napatingin ako sa rear mirror at nakitang nakatitig sa akin si Manong drayber. Nakasumbrero ito at mayroong makapal na balbas sa mukha. Nailang ako at kungwaring ipinagpatuloy ang pagtetext. Ngunit sumisilip pa rin ako sa rear mirror upang i-check kung tinitingnan pa rin ako ni Manong. Hindi ako nagkamali, patuloy pa rin ang pagsulyap niya.

Ilang minuto pa ay bumaba na rin ang lalaki sa unahan ng van na katabi ng drayber. Sa madaling sabi, kami na lang ni Manong ang naiwan. Hindi ko maipaliwanag ngunit basang-basa ko sa galaw niya na may gusto siyang gawin ngunit parang kinakabahan siya. Hindi mapakali. Kinakabahan ako. Baka matulad ako sa mga nababasa ko sa balita na ginahasa ng mga drayber. Ayoko namang bumaba dahil madalim din sa daan. Kaunti na lang, makauuwi na ako.

Malapit na kami sa terminal na aking bababaan nang biglang huminto si Manong. Kinabahan ako. Hinawakan ko na ang pinto sa tabi ko upang ihanda ang sarili kong bumaba kung may gagawin itong si Manong.

Umubo muna siya na tila nililinis ang lalamunan bago humarap sa akin at dumungaw sa akin mula sa kaniyang upuan. Napasigaw na ako at bumaba agad. Tumakbo.

Pag lingon ko ay nakasunod siya. Bumaba rin ng van at tumakbo. Nadapa ako at napahinto sa pagtakbo. Naabutan niya ako. Napangiti si Manong. Katapusan ko na.

Hinatak ni Manong ang kamay ko at itinayo ako. Nakapikit na ako at parang maiiyak nang biglang sabihin ng drayber:

“Style mo bulok. Bayad mo?”

Edi wow. Hindi pa pala ako bayad. Anak ng!

Advertisements

2 thoughts on “Kolorum

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s