Luhod. Tukod. Lingkod.

Luhod.

Tulad ng mga nakaraang umaga, di nalimot ni Perla ang magsimba.

Kahit antok pa, sa simbahan ng Quiapo siya’y nagpunta.

Bitbit ang mga hiling, hinaing, at bigat nang nadarama,

Sa mapaghimalang Itim na Nazareno nananampalataya.

 

Papunta, sa dyip siya ay nakatulog,

Sa Aleng katabi naisandal ang ulo.

Ale’y nainis at inalis ang ulo at nagdabog

Nahulog niya tuloy ang hawak na rosaryo.

 

Dahil sa trapik nagpasyang maglakad na,

Nakita ang mga babaeng may hawak na papel at nakabestida.

Sa mga tindero’y namigay ng mga papel na may salita Niya,

Pag-alis ng mga dilag, papel ay pinangkalso sa lamesa.

 

Plaza Miranda ay narating nang inaantok na si Perla,

Nakasalubong isang lalaking nakasumbrero, nagkrus pa.

Nagulat si Perla sa tili nang isang matandang babae,

Inagaw pala kaniyang kalupi nang nakasalubong na lalaki.

 

Pumasok si Perla sa simbahan at sa rebulto’y pumunas,

Sumawsaw sa tubig sa kamay ng mga anghel na may basbas.

Nilabas ang rosaryo, sa poon tumingin at lumakad paluhod.

Hindi alintana ang haba nang lalakbayin ng kaniyang mga tuhod.

 

Tulad nang araw-araw marami siyang dinarasal,

Ibinubulong ang mga sularining sa buhay niya’y dumaratal.

Dasal din niyang gabayan siya sa kaniyang trabahong panggabi.

Doon sa isang silid na maingay at ilaw ay patay-sindi.

 

Tukod.

 

Sa buhay na walang-wala, tiis ang kaniyang bala

Isang semestre na lang naman, tapos na sa eskwela.

Si Jonjon ngayong araw ay wala ni singkong duling,

Habang nagbabalik-aral, gutom na sikmura ang kapiling.

 

Inaasahang dumating ang inang may dalang salapi,

Bayad sa labada, mula sa kaniyang among mapuputi.

Ngunit mukhang nanay niya ay hindi pa makauuwi

Dahil sa lakas ng ulan, nagdulot ng bahang hanggang binti.

 

Kabog ng dibdib ni Jonjon ay ubod nang lakas,

Ulan ay nakisabay pa, talaga naman atang minamalas!

Di na makakukuha nang pagsusulit, marka pa nama’y matataas,

Hindi na kasi maaari pang magbayad ng matrikula bukas.

 

Ngunit siya ay di nawawalan nang pag-asa,

Ilang beses na rin kasing ganito ang mga eksena.

Sa mga panahong nakatukod na lang ang kamay at dapang-dapa,

Aba’y umaayon pa rin sa kaniya ang takbo ng tadhana.

 

Binuksan ang de-bateryang radio upang makibalita,

Mayroon pa lang bagyong sa buong Luzon ay namiminsala.

Biglang inanunsyo na wala nang pasok sa Maynila,

“Salamat sa Diyos!” iniligtas na naman siya ng PAGASA.

 

Lingkod.

 

Pagmulat pa lamang ng kaniyang mata, aligaga na

Sa pag-aasikaso nang apat na anak na mag-eeskwela.

Ni hindi man lamang siya suklian ng mga ito ng ngiti,

Ngunit bale wala sa kaniya dahil sila’y labis na tinatangi.

 

Nang makaalis mga supling, siya naman ang gumayak,

Nagtatrabaho sa isang pabrika doon sa may Gasak.

Minamahal ang trabaho hindi man ganoon kalaki ang sahod,

Kahit hindi matumbasan ng amo ang kaniyang bawat pagod.

 

Isang mensahe sa selpon ang kaniyang natanggap,

Sa kaniyang samahan sa simbahan ay mayroon daw ganap.

Sa pista nang kanilang poon sila ay paparada at mamamanata,

Pag-ibig sa Maykapal ay hindi rin sa kaniya mawawala.

 

Natapos ang trabaho at mga gawain sa kanilang simbahan,

Oras naman upang paglingkuran ang kaniyang asawang batugan.

Imbes na halik at yakap, malutong na sampal ang sumalubong,

Ganito siya itrato nang bakulaw na mister na sa droga’y lulong.

 

Ito pa nga ba ang sukli sa isang babaeng puno ng pag-ibig?

Mga mahal sa buhay ay kaniya nang dinadaigdig.

Kung kapalit ay pagod na walang katapusan na wari’y sinasakal,

Pag-ibig pa nga kaya ito kung sa sarili ay walang pagmamahal.

 

 

Ang mga tulang ito ay opisyal kong lahok sa Saranggola Blog Awards 2016.


 
Advertisements

3 thoughts on “Luhod. Tukod. Lingkod.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s