Ang Pagbabalik ng Superhero ng Muzon

Hilig naming manood ni Tatay ng mga pelikula at palabas sa telebisyon na tungkol sa mga superhero. Nariyan ang may kakaibang lakas na si Superman, ang may pambihirang bilis na si The Flash, at iyong may magarang baluti na si Iron Man. Lahat sila ay idolo namin!

Natatandaan ko pa nga kung paano namin gayahin ang mga pakikipaglaban ng mga superherong ito sa masasamang loob. Sinusuotan ako ni Tatay ng kapa, iyong kumot na bagong almirol ni Nanay.Nakikita ko ring napapakamot na lang si Nanay tuwing makikitang nakakabit na sa likod ko ang paboritong kumot niya.

Minsan, si Tatay ang umaarteng kalaban at todo porma naman ako na parang superhero talaga. Magsusuot din siya ng punda ng unan o di kaya iyong sumbrerong gamit niya sa hanapbuhay. Paminsan pa nga huhubarin nya ang kaniyang pustiso na siya namang pagtakbo ko.

Ngunit kahit walang super powers o magarang costume si Tatay, ang tingin ko sa kaniya ay isang tunay na superhero! Lalo na tuwing isusuot niya ang kaniyang paboritong pulang damit, at isasabit sa baywang ang mga aparatong katuwang niya araw-araw. Tulad nina Superman at Iron Man, astig na astig si Tatay na isang karpintero!

Superhero ang tingin ko kay Tatay dahil takbuhan siya ng Barrio Muzon. Halos lahat ng tahanan sa aming barrio ay nahawakan nang tila mahiwagang mga kamay ni Tatay. Hindi ko malilimot ang pagkatok ni Aling Alice sa aming bahay. Tanda kong wala pang araw noon at di pa tumitilaok si Pikpok, ang aking manok, ay naroroon na siya sa bahay.

“Waldo, nasira ang pinto namin pag-alis ni Pareng Oscar mo. Kailangang maayos agad iyon dahil paluwas din ako sa bayan,” pag-aalalang sabi ni Aling Alice.

“Ganun ba? Walang problema. Tayo na’t ayusin na natin.” Walang pag-aatubiling sambit ni Tatay.

Malinaw pa rin sa alaala ko ang nagmistulang atraksyong gate nina Aling Zeny at Mang Roy. Kahit sino naman kasi ay mapapalingon sa napakahusay na pagkakasalansan ng mga kawayang gate ng bahay nila. Tapos tuwing Pasko ay puno pa nang mga palamuti na talaga namang nakabibighani. At ipinagmamalaki ko naman sa bawat makakikita: “Gawa ng Tatay ko iyan!”

Isang superhero rin si Tatay dahil pati sa paaralan namin, sumasaklolo siya. Tuwing brigada eskwela, toka na niya ang pag-aayos nang mga sirang upuan at lamesa. Gayundin ang pagpapalit ng sahig na tabla doon sa opisina ni Ginang Maligaya.

“Napakalaking biyaya mo sa aming paaralan, Waldo. Kaya naman pala mabuting mag-aaral din si Julio dahil mabuti rin ang kaniyang ama,” galak na galak na sambit ni Ginang Maligaya.

“Naku, wala po iyon. Masarap po sa pakiramdam ang makatulong,” sambit ni Tatay at sabay kindat at ngiti sa akin, tila sinasabing ang husay naming superhero.

Ngunit tulad ng mga pinapanood naming superhero, may suliranin din kami, higit si Tatay. Isang gabi, narinig ko sila ni Nanay na tila malungkot at problemado.

“Lumalaki ang gastos natin. At ang iyong Tatay Juaning pa ay may sakit,” pangamba ni Nanay.

“Hayaan mo, mahal ko. Buo na ang pasya ko. Tatanggapin ko na ang trabahong sinasabi ni Pareng Bogs. Malaki daw ang sahod sa Saudi,” sambit ni Tatay na halata kong nilalakasan ang kaniyang loob.

Isang hapon, kadarating lamang ni Tatay mula sa agency niya. Tuloy na ang pag-alis ng superhero ko, ng superhero ng Muzon. Malungkot man ako, ngunit nauunawaan ko. Tulad ng mga superhero sa palabas, may sakripisyong kailangang gawin para sa mga minamahal sa buhay.

“Tandaan mo anak, kaya mo ring maging superhero. Wala ka mang kapangyarihan, kakaibang lakas, hindi ka man nakalilipad o may magandang baluti, kaya mo pa ring maging superhero. Maging superhero ka ni Nanay sa mga gawaing bahay. Ang simpleng pagtiyak na malinis ang silid mo ay parang superhero na. Sa paaralan din, gayahin mo si Superman. Kakayanin lahat ng assignment at exam, maging ang iba pang programa. At sa mga kapitbahay natin dito sa Muzon, maging superhero ka. Laging isipin ang kabutihan nang kapuwa at isipin ang pagkakaisa,” ang bilin sa akin ni Tatay.

Sumama ako noon sa paghatid kay Tatay sa airport. Malungkot ako noon, parang ayaw ko ngang bitiwan yung kamay niya. Ngunit inilabas ko ang pagiging superhero ko noon, isang superhero na handang umunawa at may lakas ng loob na tanggapin ang mga nangyayari. Isang superhero si Tatay noon, lumipad hanggang sa hindi ko na siya matanaw.

—–

Halos dalawang taon nang umalis si Tatay. Marami na rin ang nagbago sa Sitio Muzon. Minsan narinig ko na walang mahagilap si Aling Alice na karpintero para ayusin ang kama nila. Mayroon na ring binabayarang karpintero si Ginang Maligaya upang ayusin ang sahig ng kaniyang opisina. At ako naman, superhero ng klase kasi top 1 ako noong nakaraang taon hanggang ngayong grading.

Nagpapalitan naman kami ng mensahe ni Tatay sa facebook, may larawan pa. May paborito nga akong kuha nya na puno nang gusali sa likod nya. Siya naman, paborito ang kuha kong puro medalya.

“Ang tagal naman ni Tatay,” sambit ko habang nakatitig sa larawan niya. Dahil namimiss ko na siya, magpapadala na sana ako nang mensahe sa facebook nang may sumigaw:

“Merry Christmas, Superhero.”

Si Tatay! Narito si Tatay! Tumakbo akong para si Flash sa bilis at niyakap siya. Binuhat naman niya ako. Nakita kong lumuha siya. Sa sobrang tuwa, iniangat nya ako at sinabing, “malaki na si Superman ko.”

Pakiramdam ko, lumilipad ako noon. Hindi dahil bitbit niya ako, ngunit lumilipad dahil sa labis tuwa. Narito na kasi ang superhero ko!

Pagkababa sa akin ni Tatay, nakita kong nakasilip ang mga kapitbahay. Masayang makita ang kanilang Superhero na ligtas at masigla mula sa paglalakbay.

“Maligayang Pasko, mga kapitbahay!” bati ni Tatay sa kanila sabay kindat at ngiti sa akin.

Masaya kami dahil narito na ang superhero namin!

Opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2016 #KuwentongPambata


Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s