Change is Coming: Ang Hugot ng 2016

Naging makulay ang taong 2016 para sa mga Pilipino, mula sa mundo ng politika, showbiz, ekonomiya, at edukasyon. Hindi maikakailang napakaraming pangyayari ang maaaring panghugutan ng mga Pilipino upang ilabas ang kanilang mga nararamdaman at opinyon sa isang malikhaing paraan.

Dahil ang hugot ay isa sa mga paborito kong libangan at labasan ng mga kirot at saya ng buhay pag-ibig ko, nakaisip ako ng sampung hugot na angkop sa unang sampung buwan ng 2016, ayon na rin sa mahahalagang bagay na naganap sa bawat buwan.

Enero: Marami ang natuwa nang magmura ang presyo ng mga produktong petrolyo. Pero ako, imbes na matuwa ay lalong nalungkot. Kasi mas gusto ko sanang magMAHAL pa.

Pebrero: Nasa jeep ako habang binabasa ang mga naganap sa unang PILIpinas debates 2016. Lahat sila nangangako ng pagbabago. Pero nang iabot ni manong driver ang sukli ko, naisip kong para pala tayong sukli. Coz we’re the change! Sa atin mag-uumpisa ang tunay na pagbabago. Kahit sino pang maging pangulo basta may pagkakaisa, tiyak na may pag-unlad!

Marso: Karaniwang nagtatapos na ang mga Grade 10 sa pag-aaral sa highschool. Pero ngayong taon, wala silang graduation kasi nadugtungan ang pag-aaral nila dahil sa K to 12. Sana na-Kto12 na rin ang pag-ibig mo sa akin, para nadagdagan pa ng mga taon.

Abril: Pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon nitong Pilipino talaga si Grace Poe. Ako, hindi na kailangan pang patunayan ang residency ko. Kasi dyan lang naman sa puso mo ako naninirahan e.

Mayo: Nanalo na si Pangulong Duterte sa eleksyon 2016. At ang sigaw ng sambayanan, change is coming. Sana nga dumating na ang pagbabago, at nang mabago rin ang malamig mong damdamin sa akin.

Hunyo: Nang opisyal na maupo si Pangulong Duterte sa Malacañang, isa sa mga naging unang proyekto nya at ng PNP ay ang Oplan Tokhang. Sana may oplan tokhang brokenhearted edition din. Yung hindi mga nagbabato ang kakatukin, kundi iyang pusong bato mo.

Hulyo: Inanunsyo na ng PAGASA na tapos na ang panahon nang tagtuyot o El Niño. Pero ba’t ganun? Hindi ko pa rin ramdam. Tuyong-tuyo pa rin kasi ang pakikisama mo sa akin.

Agosto: Sa buhay kailangan maging Hidilyn Diaz tayo, na hindi susuko kahit ilang ulit mang nabigo at kakayaning buhatin kahit anumang bigat ng problema. At kung magawa natin to, siguradong ipagmamalaki at tutularan tayo ng mga mahal natin sa buhay na para tayong nanalo din sa olympics.

Setyembre: Ang pag-ibig ko sa iyo ay parang “Ang Probinsyano” ng ABS-CBN. Parang apelyido ni Cardo, Dalisay. At parang ratings ng show mismo, walang makatapat. (Cue: Kung wala ka nang maiintindihaaaaan… Kung wala ka nang makapitan…)

Oktubre: Minsan ang buhay ay parang iyong pagkapanalo ng Ginebra sa PBA. Iyong akala mo wala nang pag-asa kasi ang tagal-tagal mo nang naghihintay, ang tagal-tagal mo nang lumalaban at nagtyatyaga pero wala pa rin. Tapos kapag wala nang naniniwala, darating yung tamang panahon– isang di malilimutang “buzzer beater” moment. Nakakalasing na ligaya! Never say die talaga.

Masarap talagang idaan sa hugot ang mga nararamdaman mo. Higit kung maiuugnay mo ito sa mahahalagang pangyayari sa buhay mo. Kaya wag mo nang itago yang emosyon na yan, hugutin mo na para sa pagbabago!

Ang mga hugot na ito ay opisyal kong lahok sa Saranggola Blog Awards 2016.


Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s