Kara-TULA’t Babala

Karatula sa Kalye

Sabi ng MMDA, “Bawal tumawid, may namatay na rito.”

Baka dito napadaan ang lahat ng pusong nabigo.

 

Nahanap ko ang babala, “dito ang tamang tawiran,”

Sumunod na ako’t ginawa ang tama para di na masaktan.

 

Sa may sakayan ng jeep sabi “please fall in line.”

Fall na naman? Sana may sumalo naman sa ‘kin this time.

 

Sa wakas dumating na iyong jeep, sabi ay “UP Ikot.”

Dito ba sumasakay ang lahat nang sa relasyo’y pinaikot?

 

May paalala sa loob ng jeep, “God knows who does not pay,”

kaya pagbabayaran mo ang nangyari sa puso kong nagkagutay-gutay.

 

Sa may intersection, itinaas ng enforcer ang “hinto.”

Parang paalala sa mga pusong umaasa ngunit sa huli’y bigo.

 

Para madaling magsukli paalala’y “barya lang po sa umaga.”

Tila pag-ibig kong buong ibinigay, pero di nasuklian nang tama.

 

Bababa na ako, “pull the string to stop.”

Sana may tali ring mahihila para mahinto ang masasakit na ganap.

 

Hindi huminto si Manong dahil may babala: “bawal magbaba rito.”

Lintek lagpas na ako; pati ba naman sa byahe ako ay bigo?

#

 

Karatula sa Eskwela

Paalala ng paaralan sa gate pa lang, “No ID, No Entry.”

Sana pala kinilala rin muna kita, bago minahal nang dali-dali.

 

Sa kantina, nagkalat ang paalala: “clean as you go.”

Ngunit paano ba linisin ang puso kong nagkapira-piraso?

 

Sa pagtapon ng basura, may “nabubulok” at “di nabubulok.”

parang damdamin nating inamag na lamang sa isang sulok.

 

Nagtungo sa aklatan at ang laging paalala’y “tahimik!”

Tila payo sa puso mong panay ang tibok at sa pag-ibig ay sabik.

 

Isa pang babala: “pakibalik at at ayusin ang mga libro,”

sana ibalik at ayusin din niya ang nasira kong puso.

 

Napadaan sa bulletin board, nakasulat ay “PAALALA!”

Sana maaari kong ipaskil dito ang nalimot nating mga alaala.

 

Pagtungo sa silid, sa pinto’y nakadikit: “Mabuhay!”

Paano ako mabubuhay kung sa iyo pa rin ay patay na patay?

 

Dumating ang guro at may ipinaskil na “Top students.”

Di ako kasali, tulad ng pag-ibig mong di ko natawag na achievement.

 

Tumingin na lang ako sa nakapaskil na card ng “A-Ba-Ka-Da…”

A-Ba-Ka… A baka ika’y sa akin ay bumalik pa.

#

 

Karatula sa mga Tindahan

Sa ilalim ng logo ng Coca-cola, nakasulat “Liza’s Sari-sari Store.”

nagtitinda ho ba kayo rito ng pag-ibig na pang-forevermore?

 

Makikitawag na lang kaya ako sa payphone, “limang piso, tatlong minuto.”

Makausap ka lang, gagastos ako nang kahit magkano.

 

Sabi naman ng SMART, “load na dito.”

Eh loaded na nga ako ng damdaming bale wala sa iyo.

 

Papatalo ba naman itong si Globe, “abot mo ang mundo.”

Masubukan nga’t baka sakali’y maabot ko ang mundo mo.

 

Aba, nagtitinda rin pala siya ng “gaas ng super kalan.”

Nailuluto rin ba diyan ang wagas na pagmamahalan?

 

Nakatarak sa bigas na tig-45 ay “mabango at maalsa,”

di tulad ng buhay pag-ibig kong matabang at walang pag-asa.

 

Gigil niyo si Aling Liza, “Wala kaming barya sa 500 at wan tawsan,”

sobrang hirap ba talaga na ang malaki kong pag-ibig ay masuklian?

 

Nagdamot din siya sabi “bawal muna utang.”

Utang na loob, gagawin ko ang lahat, bumalik ka lang!

 

Paboritong teleserye na ng Ale kaya ipinaskil niya’y “sarado kami.”

Parang pag-ibig ko, sarado pero walang kami.

#

Opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2017.

</div>

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.