Nang Dahil sa Isang Pakete

Habang hinihintay kong lumabas si Toto sa x-ray room, nakipagkuwentuhan sa akin ang isang doktora na pauwi na sana. Naawa din kasi siya sa baling kamay ng inaanak ko. Tinanong niya kung ako raw ba ang tatay ng bata. Hindi ko na rin napigilan ang sarili ko at naisalaysay ko sa doctor ang kuwento ng buhay ng bata. Habang sinasabi ko kay doktora na madalas wala ang nanay ng bata kasi lulong ito sa masamang bisyo at di na nakilala ng bata ang kaniyang ama simula pagkapanganak, di mapagilan ng doktor na mapangiwi na lamang.

Sa totoo lang, ang pag-uusap namin ng doktor na iyon ay naging eye-opener din sa akin. Marami akong bagay na naisip dahil sa reaksiyon ni doktora. Normal lang ang tingin ko sa buhay ng bata. Masaya pa nga ako pag umaalis ang nanay niya kasi madalas sa bahay ang bata—nasa oras kumain, mapayapa, at nakapaglilibang. Minsan pa nga, iniisip ko na sana ay hindi na lang din siya bumalik. Pero ang hindi ko naiisip ay ang buhay ng batang ito sa mata ng iba. Hindi ko alam kung paano niya pinaliliwanag sa mga kalaro ang kalagayan niya, kung ano ang isinasagot niya sa tuwing tatanungin siya sa paaralan kung paano sila sa bahay, kung anong trabaho ng kaniyang ina, at anong pangalan ng kaniyang ama.

Regalo ng Pakete

Siyam na taon ang nakalilipas, ipinanganak si Toto. Uso na kasi sa lugar namin ang bayanihan kaya naman nang manganganak na ang nanay ni Toto, dali-dali kaming naghagilap ng kumadrona. Ilang oras pa, dumating na si Toto sa mundong ito. Nakuha niya ang hitsura ng kaniyang ina—maitim at makapal na buhok, mapupulang mga labi, at mahahabang mga pilik. Kung bago ipanganak si Toto ay tila trending topic sa aming kalye ang kaniyang ina at ang pagkabuntis nito, napalitan naman ng saya ang magkakapitbahay sa pagdating ng bata.

Ayon sa usap-usapan, nabuo raw ang bata habang lulong ang ina sa bisyo. Kaya misteryo hanggang sa ngayon kung sino ang ama niya. Ngunit hindi naman naging isyu sa paglaki ng bata ang pagkawala ng ama. Maraming tumayong ama-amahan ang bata. Nariyan kaming mga Ninong niya at mga nagmamalasakit na kapitbahay kabilang na ang pamilya ko.

Buong akala namin na si Toto na ang sagot para iwan ng ina ang masamang bisyo nito. Pero mali kami, ilang taon lang nang isilang niya ang naging bunga ng pakete, balik sa dating gawi ang ginang.

Kung hindi naging regalo para sa kaniyang ina ang bata, sa amin namang magkakapitbahay, nagsilbing malaking biyaya ang bata. Sa mga panahong wala ang kaniyang ina, madalas, sa bahay namin nanirahan ang bata. Sa bahay kumakain, naliligo, at natutulog. Ito rin ang panahong lalo kaming nagbigay ng atensiyon sa kaniya. Sa tuwing kaarawan niya, ambag-ambag kaming mga ninong at ninang niya para sa handa niya.

Sumapit ang panahong kailangan nang mag-aral ng bata ngunit wala ang nanay niya upang asikasuhin siya. Pinag-ambagan naming magkakapitbahay ang pambili niya ng uniporme, gamit sa eskwela, at pambaon. Naka-schedule din kami nang paghatid at sundo sa bahay sa paaralan. Hanggang ngayon, tandang-tanda ko pa kung gaano ako kasabik noong unang araw niya sa eskwela. Para akong isang ama na sa wakas ay mayroon nang isang estudyante na gagabayan. Tuwang-tuwa ako sa tuwing may bago siyang matututunan at makikiisa sa mga programa sa paaralan. Hindi naman kami binigo ng bata, at naging isa sa pinakamahusay na mag-aaral at nag-uwi ng medalya.

Masaya man ako para sa bata, inis naman ang nararamdaman ko para sa nanay niya. . Naiinis ako dahil sa isang maling desisyong ginawa niya na balikan pa ang bisyo niya. Napakatalino ng anak niya. Laging honor student, may talento sa pag-awit, at mahusay maglaro ng basketball. Siya sana ang nagbibihis ng anak niya ng uniporme tuwing umaga, hindi ang ibang tao. Siya sana ang unang nagiging proud sa narating ng kaniyang anak at hindi kami. Pero kalaunan, nasanay na siguro ako, kaming magkakapitbahay. Hindi naman kasi ang buhay ng nanay niya ang masisira kung hindi namin aasikasuhin ang bata.

 

Punto de Bista ni Toto

Nailabas na ang resulta ng x-ray ni Toto. Bukas daw ay kailangang sementuhin ang kaniyang kamay. Habang nasa jeep kami at papauwi, tinititigan ko si Toto. Kita ko sa bata ang katatagan dahil kailanman ay hindi nito ininda ang bali sa kaniyang kamay na tumagal na pala nang isang linggo. Kung hindi pa napansin ng isa pa niyang Ninang ang kamay nito ay hindi namin madadala sa pagamutan ang bata.

Dahil sa pag-uusap namin ni doktora, naisip kong may isip na ang bata upang maunawaan ang nangyayari sa kanila ng ina. Hindi man sapat, ngunit alam kong nag-uumpisa na rin niyang isipin kung bakit tila iba ang kanilang pamilya. Nag-uumpisa nang mabuo ang mga tanong sa kaniyang isip na hindi pa dapat pinoproblema ng isang musmos na tulad niya. Nakakaawa man, ito ang isang mapait na realidad ng kaniyang mundo.

Ngayong mainit ang usapin tungkol sa droga, iniisip ko kung paano ang buhay niya. Sa tuwing manonood siya ng telebisyon, makakapanood siya ng mga balitang tungkol sa droga. Marami rin ang balitang mga pinatay na drug addict dahil di umano’y nanlaban.

Hindi naman natin maitatanggi na punong-puno ng emosyon ang mga tao kapag usaping extra-judicial killings na. Kaniya-kaniyang bandera ang iwinawagayway; iba’t ibang opinyon ang ibinibida. Sa mga panahong ganito, iniisip ko na lang iyong maaaring opinyon ng isang bata—opinyon ng isang nilalang na hindi pa nababahiran nang anumang kulay ng politika ang pag-iisip, opinyon ng isang batang ang nais lang sa mga panahong ito ay mapabuti ang kaniyang buhay, opinyon ng isang batang walang sapat na kaalaman sa mga estadistika, sikolohiya, at iba pang pag-aaral, opinyon ng isang taong naniniwala lamang sa halaga ng isang pamilya.

Kapag mawawala ito nang ilang buwan dahil sasama sa mga ka-kosa niya sa bisyo, ni hindi man lamang ito hinahanap ng bata. Sabi nga ng mga kapitbahay namin, ampunin na lang namin si Toto tutal, lagi namang nasa bahay. Pero tuwing uuwi ang nanay niya, nakikita kong masaya pa rin si Toto. Kahit na lagi siyang binubulyawan nito kapag makulit at minsan ay napapalo pa, uuwi at uuwi pa rin siya sa kaniyang ina at susundin ang mga mumunting utos nito. Noong una naisip ko, nasanay na si Toto na wala ang nanay niya. Pero sa tuwing makikita kong babalik ang nanay niya at masaya siya, iba pa rin pala ang dulot na ligaya ng pamilya, higit sa mata ng isang bata.

Paano na lang iyong mga anak ng mga adik na binawian na ng buhay, na napatay sa mga operasyon? Kung si Toto na nga na kinalikihan nang di madalas kapiling ang ina ay naglalambing at hinahanap pa rin ang ina nito, paano ang mga magulang na hindi na kailanman babalik? Namulat ako sa masaklap na realidad ng kamatayan. Kahit pala gaano kasama ang isang tao, may mga patuloy na magluluksa para sa kaniya, may mga patuloy na mangungulila sa kaniyang prisensya, at may mga buhay na hindi na kailanman magiging buo.

Hindi man namin napag-uusapan ni Toto. Alam kong nais niyang magbago ang kaniyang ina at maging normal kahit papaano ang kanilang buhay. Sa mata ng isang batang hindi pa kumakampi sa kahit sinong politiko, na hindi pa nakababasa nang mga maimpluwensiyang blog, at hindi pa nakaiintindi ng batas, ang tanging pagbabago na inaasahan nila ay ang pag-ayos ng kanilang buhay. Alam ng isang bata na hindi kamatayan ang sagot para sa magandang buhay. Alam ng isang bata na sa mata nang Lumikha, ang buhay ay biyaya—hindi lamang sa may-ari nito, kundi pati na rin sa taong malalapit sa kaniya.

 

Tutol ako sa EJK—Para Kay Toto

Sa totoo lang, hindi ko alam noong una kung anong papanigan ko sa laban kontra droga. Gusto ko kasing maparusahan lahat ng mga adik sa Pilipinas na nagpabaya sa kanilang mga anak, ang mga pinakakaawa-awang biktima sa suliraning ito. Gusto kong papanagutin ang mga magulang na mas piniling arugain ang sarili nilang pangangailangan kaysa magpalaki ng mga anak. Gusto kong minsan sa buhay ng mga taong ito ay pagsisihan nila ang pinakamalaking pagkakamaling ginawa nila. Kung gusto mo lang gumanti, siguro, mas nanainisin mong ipatikim sa kanila ang pinakamapait na parusa sa krimeng ginawa nila na sumira sa kanilang buhay at ng kanilang mga anak.

Pero kung iisipin mo, kung noon pa lang—siyam na taon ang nakakaraan—ay may marahas nang gyera kontra droga, may posibilidad na hindi nabuhay si Toto. Maaaring ang kaniyang ina o ang hindi namin nakilalang ama nito ay maagang binawian ng buhay at hindi naisilang ang bata. Wala sana iyong batang nagdulot nang kaligayahan sa aming magkakapitbahay. Wala sana iyong bata na nangunguna sa kanilang klase. Wala sana iyong batang nagbibigay sa akin ng dahilan upang mas maging kabuluhang nilalang.

Iniisip ko rin na kung isang araw, kung mabalitaan na lang nung bata na wala na ang kaniyang ina at nasawi sa isang operasyon, ano-ano kaya ang magiging masamang epekto nito sa kaniyang buhay? Baka maapektuhan yung sigla niya sa pag-aaral at pakikipaglaro. Baka mawalan ng loob iyong bata kasi baka umaasa siya na minsan isang araw, magbabago pa rin ang kaniyang ina at magiging normal din ang kaniyang pamilya. Baka rin kahit gaano naging pabaya ang kaniyang ina, lubos na mahalaga pa rin ito sa kaniya dahil wala na nga siyang ama, hahayaan niya pang mawalan siya ng isang ina?

Lilinawin ko, hindi ako kontra sa pagwakasi sa problema ng droga higit alam kong may buhay na nasisira dahil sa bisyong ito. Ngunit ang tinututulan ko ay ang marahas na pagpatay sa mga kriminal. Kung ang nais natin ay mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino, iisipin natin ang masamang epekto sa lahat. Kung mayroong mga paraan na mas katanggap-tanggap, bakit natin ipipilit ang isang marahas at nakasisira ng buhay na solusyon? May mga batas din tayo na maaaring ipatupad na inaral mabuti at nararapat ipatupad, anuman ang sitwasyon.

 

Sa bahay namin nagpahinga si Toto ng gabing iyon. Bukas kasi ay dadalhin namin siya sa Philippine Orthopedic Center. Niyakap ko ang bata. Alam ko kasing hindi biro ang sakit ng kamay na hindi niya maigalaw. Pero matapang na bata si Toto. Matapang para kayanin ang sakit nang nabali niyang kamay, gayundin ang tiisin ang buhay na ginawang masalimuot ng droga. Hanga ako sa tatag ng batang ito. Naisip ko na wala akong karapatang magreklamo sa maliliit na problema sa buhay ko dahil mas malala ang kinakaharap niya pero nakukuha niya pa ring maging makabuluhan at inspirasyon sa iba.

Huwag sanang makalimutan ng mga may kapangyarihan na sa gyerang ito, higit sa mga katawang humahandusay sa lupa, may mga taong higit na nabibiktima sa “solusyon” sa problema. Mayroong mga pamilyang naiiwan, may mga batang nauulila na maaaring maapektuhan ang kinabukasan at kung mapabayaan, ay mas maging sakit lalo ng lipunan. Sa gyera kontra droga, sinosolusyunan natin dapat ang problema, at hindi nagbubunga pa nang marami pang bali sa ating pamayanan.

 

Opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2017.

 

</div>

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s