Si Gino Gulay

“Gino Gulay” hiyaw ni Mang Luciano sa aking Kuya.

Marami nang parokyano ang Kuya Gino sa iba’t ibang tinda niya. Minsan, kakanin ang nilalako niya sa aming baranggay. Paminsan-minsan naman, balut ang kaniyang tinitinda. Ngunit pinakakilala ang aking Kuya sa iba’t ibang gulay na nilalako niya habang nasa isang batya at pasan ng kaniyang balikat.

 

Sariwa at bagong pitas ang mga gulay na nilalako ni Kuya Gino sa aming baranggay. Madaling araw pa lamang ay inaangkat niya na ang mga ito sa hardin ni Aling Nena.

Sari-sari ang gulay na tinda ni Kuya, mayroong kalabasa, ampalaya, malunggay, at talbos ng kamote.

“Mang Luciano, narito ang paborito niyong kalabasa. Kailangan niyo ito para hindi lumabo ang inyong mata na gamit niyo sa pananahi nang magagandang baro’t saya,” magiliw na sabi ni Kuya sa kaniyang suki.

“Talagang alam na alam mo ang paborito ko, Gino,” nakangiting tugon ng sastre kay Kuya.

“Aba, Gino! Tamang-tama, bibili ako ng malunggay na ilalagay ko sa ginataang gulay ko,” sabi ni Aling Marita.

“Tamang-tama po ang malunggay para lumakas ang inyong mga apo, Aling Marita. Heto po ang isang bugkos ng malunggay. Sampung piso lang po,” sagot ni Kuya.

Sikat si Kuya sa aming baranggay, hindi lamang dahil sa kaniyang mga paninda, kung hindi dahil sa kaniyang magiliw na personalidad. Lagi siyang nakangiti, magiliw sa kaniyang mga suki, at matapat sa kapuwa. Ibinabalik niya ang sobrang bayad ng kaniyang mga parokyano, laging may payo sa masasarap na lutuin sa kaniyang tindang gulay, at higit sa lahat, naghahatid ng good vibes sa kaniyang mga kakilala.

Bakas sa kulay ng balat ni Kuya ang hirap nang araw-araw na paglalako ng gulay at iba pa. Kalaban niya ang tirik na sikat ng araw tuwing tag-init, habang pasakit naman sa kaniya ang lamig ng panahon tuwing tag-ulan. Gayunpaman, hindi mo kakikitaan nang panghihina o mariringgan nang anumang reklamo.

Bandang alas-onse na ng umaga at nabili na ang lahat ng tindang gulay ni Kuya Gino. Sabik na siyang sunduin kami ni Letlet, ang bunso naming kapatid. Paborito talagang oras ni Kuya ang uwian namin. Oras na kasi para pagsalu-saluhan namin ang munti naming tanghalian na madalas ay binibili namin sa karinderya ni Aling Lilia at higit sa lahat…

“Oras na para ituro niyo sa akin ang natutuhan niyo sa iskul!” sigaw ni Kuya sabay kiliti sa amin ni Bunso.

Hindi na kasi nakapag-aral si Kuya. Grade 1 lang ang natapos niya kasi kailangan niya kaming buhayin ni Bunso. Pumanaw kasi ang aming mga magulang nang manalasa ang Bagyong Rusing noon. Kaya sa murang edad pa lamang, si Kuya na ang aming naging Nanay at Tatay.

Kami ang nagturo kay Kuya na magsukli at magbilang. Kami rin ang nagturo sa kaniya kung ano-ano ang sustansiya ng mga gulay na itinitinda niya. Bahagi na kasi nang araw-araw namin na ituro kay Kuya kung ano ang natutuhan namin sa paaralan ni Bunso. Sa ganitong paraan daw ay natututo pa rin si Kuya ng mga aralin na kailangan niya sa kaniyang “business.”

“Oha, naku, bilang boss ng sarili kong business, dapat alam ko ang division at multiplication,” biro ni Kuya sa amin na akala mo’y boss talaga ng kompanya habang nakapamaywang pa.

“Siyempre naman po, boss. Kami ata ang mga magagandang sekretarya mo!” sabi ko naman na parang may pagmamalaki rin.

“Ipagpatuloy n’yo lang ang pag-aaral nang mabuti, mga kapatid. Ang edukasyon ang makapag-aahon sa atin. Kakayanin natin lahat ng pagsubok nang sama-sama at masaya!” paghikayat ni Kuya sa amin.

“Opo, Kuya! Gagalingan namin at ipagpapatuloy naming maging honor students!” sagot ni Bunso.

“Siya nga pala, Kuya. May maliit na programa sa eskwela bukas. Kailangan daw po kayong pumunta.” sabi ko kay Kuya.

“Naku, day-off pala si Gino Gulay bukas. Sige, dadalo ako,” masayang tugon ni Kuya.

“Mga alas-9 pa naman ang programa, Kuya. Aasahan ka namin ni Bunso.” sagot ko.


 

Kinabukasan, hindi pa rin nagpaawat si Kuya Gino sa kaniyang pagtitinda. Pero nang mag-alas-9 na, dali-dali siyang pumunta sa eskwela para sa aming programa.

Pagpasok niya sa gate ng aming paaralan, pinagtitinginan siya nang maraming tao. Iniisip niya ata na hindi siya dapat nagpunta doon nang dala-dala ang batya ng gulay.

“Dapat ata nagbihis ako nang maganda,” isip-isip ni Kuya.

Ngunit nang makita na niya kami ni Bunso sa entablado, napangiti na si Kuya. Nagsimula na ring magpalakpakan ang mga tao. Takang-taka si Kuya sa nangyayari hanggang sa sinalubong na siya ng aming guro na si Bb. Ramos.

“Magandang araw po at maligayang pagbati!” sabi ng aming guro.

“Salamat po, ngunit para saan po ang pagbati n’yo? Hindi ko naman po kaarawan,” nagtatakang sagot ni Kuya.

“Mga ka-baranggay. Narito na ang ang IDOLO NG BARANGGAY 2017, Gino San Juan o mas kilala ng lahat na si Gino Gulay,” sambit ni Gng. Suarez na aming punong-guro sa mikropono.

Hindi man lubos na nauunawaan ang nangyayari, umakyat pa rin si Kuya sa entablado. Tinanggap nito ang isang plake at sobre.

“Kung nagtataka po kayo, Mr. San Juan kung ano ito. Kayo po ang ibinoto ng ating mga ka-baranggay bilang idolo nila. Masaya po kami na ang simpleng mamamayan ng baranggay na ito ay isang inspirasyon sa marami nating kasama. Kayo po ang tunay na idolo namin sa pagsusumikap at pagmamahal. Mabuhay po kayo.” paliwanag ni Gng. Suarez na sinundan nang malakas na palakpakan mula sa aming mga ka-baranggay.

“Salamat,” naluluhang sagot ni Kuya.

“Kailanman ay di ko inasahan na makatatanggap ako ng isang parangal. Basta pala talaga ginagawa mo nang mabuti ang trabaho mo, pagpapalain ka. Maraming salamat po uli!” pasasalamat ni Kuya.

Isang mahigpit na yakap ang ibinigay namin kay Kuya.

Si Kuya ang idolo ko, idolo ni bunso, at idolo ng aming mga ka-baranggay. Si Gino Gulay ang nagsisilbing gulay ng aming buhay—simple lamang ngunit mahalaga upang maging makulay at masigla ang aming pamumuhay!

 

Opisyal na Lahok sa Saranggola Blog Awards 2017.

 

</div>

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.