Kung Paano Nagtapos ang mga Nakasanayang Paalam

Ang mga pagwawakas na marahil ang isa sa mga bagay sa daigdig na kayang magbigay ng labis na hapis at walang kasintamis na tagumpay sa isang indibidwal. Walang katumbas na ligaya ang dulot ng bawat suliraning malalagpasan at bawat pangarap na maisasakatuparan. Ang pagtatapos ng bawat sakripisyo—higit iyong mga labang naipanalo nang marangal—ay isang bagay na ikapupuri habambuhay.

Gayunman, ang mga pagwawakas ay sadyang mas masakit kung ito ay mga pagtatapos na hindi inaasahan. Mayuyurak ang mundo ng sinomang darating sa wakas ang pag-ibig na itinangi nang napakahabang panahon at pinagbuhusan ng buong sarili. Delubyo rin ang dala kung humantong sa katapusan ang pagmamahal na nagbubuklod sa isang pamilya at mabubuhay sa kani-kaniyang landas kahit minsang bumuo ng mga pangarap sa iisang silong. Higit sa lahat, walang kasing pait ang pamamaalam sa isang sinisintang dinatnan na ng kaniyang huling hininga at ang tanging pag-asa ng muling pagtatagpo ay nakabatay sa maramot na posibilidad ng kabilang buhay.

Lagi at laging masalimuot na magapi ng mga sirkumstansiya sa buhay na wala tayong kontrol. Ngunit sa mga nagdaang taon, sa mga panahong nasupil ng krisis pangkulusugan ang mundo, higit na naging mas mapait ang pagharap sa mga katapusan. Sa mga masalimuot na karanasan sa panahon ng pandemya, mistulang hindi sasapat ang mga salitang saklaw ng ating magulong pag-iisip upang ilarawan ang doble o baka nga ay triple pang pasakit na bunga ng mga kalunos-lunos na bagay, kabilang ang pamamaalam.

Nasaksihan ng bawat piraso ko ang pighati ng mahahalagang tao sa aking buhay at kung paano nila binali ang mga nakasanayang paraan ng pamamalaam sa ilang aspekto ng kanilang eksistensiya. Mayroon pa palang mas ipapait ang kawalan ng kabuhayan, ang paglipas ng mga yugto ng buhay na hindi kailanman mababalikan, at paghatid sa mga minamahal patungo sa kanilang hantungan.

Hindi na mahanap ang hanapbuhay

Sa isang bansang tulad ng Pilipinas na paurong sa halip na pasulong, isang malaking dagok ang mawalan ng matinong mapagkukuhanan ng kabuhayan. Isang salik na nga sa patuloy na kahirapan ang kakulangan sa oportunidad, sa panahon pa ng krisis darating ang masamang balitang huling araw mo bilang manggagawa.

Malaking dagok na humina at nagsara pa ang maraming industriya sa panahon ng COVID-19. May natanggal din sa trabaho nang mawalan ng prangkisa ang isang malaking istasyon ng telebisyon.

Liban sa mga pagsubok na naibalita sa mga pahayagan, sa loob ng aming tahanan ay mayroon ding mga hamong hindi na nakuhanan ng lente at hindi na rin nailathala. Ang noon ay unti-unting sumasagang pamumuhay ay muling naharap sa isang sakunang wala kaming magawa.

Kaming lahat na nagtatrabaho sa pamilya ay naapektuhan higit nang mag-umpisa na ang quarantine. Sa kaniyang unang taon ng pagtuturo matapos ang kolehiyo, hindi na nakapasok ang kapatid kong guro sa isang pribadong paaralan at no work, no pay pa. Ang kapatid ko pang isa ay isang call center agent na isang buwang nahinto ang kabuhayan dahil natagalan ang pagpapadala ng kaniyang kompiyuter mula Maynila patungo sa tahanan namin sa Bulacan. Ako man ay nawalan din ng trabaho matapos humina ang pinagsusulatan kong website, isang pandaigdigang epekto ng krisis.

Ngunit ang pinakanakalulungkot sa lahat ay ang napaagang pagreretiro ng aking ama. Nang ipatupad ang unang ng quarantine, buo pa ang loob ng aking tatay na makapapasok siyang muli. Bitbit ang isang sulat mula sa kaniyang amo, umasa ang aking 58 taong gulang na ama na makalalagpas siya sa mga checkpoint. Gayunman, naging malaking suliranin ang kakulangan sa mga pampasaherong sasakyan. Tambak ang mga tao sa mga checkpoint sakay ng kani-kanilang mga kotse at motor, habang paglalakad naman ang naging sandata ng ilan.

Para sa hindi na bumabatang manggagawa tulad ng aking tatay, suntok sa buwan na kung maglalakad pa siya mula Bulacan hanggang Lungsod Quezon at mairaraos ang araw-araw. Wala naman sanang problema kung maaga nang hihinto sa pagtatrabaho ang aking tatay. Ngunit sa panahong sabay-sabay kaming nawalan ng kabuhayan, batid kong nais ng aking tatay na magbanat pa rin ng buto upang isalba ang aming pamilya na ilang dekada na niyang ginagawa. 

Bawat araw ay nakaabang siya sa balita, umaasang lumuluwag ang mga daan at mas dumarami ang mga bumabiyaheng sasakyan. Sa pagbukas ng telebisyon, bitbit niya ang panalanging nalagpasan na natin ang problemang dulot ng COVID at babalik din sa normal ang lahat.

Buwan at taon ang lumipas at tuluyan nang namaalam ang aking tatay na isang welder sa trabahong nagtaguyod sa amin sa loob ng maraming taon. Para sa isang taong iniidolo ko nang lubos, na binubuksan na ang dapit-hapon ng kaniyang buhay, hinangad ko na mas maging makabuluhan sana ang huling dalawang taon niya bilang isang manggagawa. Mas napaghandaan sana ang pagwawakas ng isang legasiyang nag-ahon sa pangalan ng aming pamilya mula sa panganib ng panibagong henerasyon ng kahirapan. Higit na mas masaya sanang karanasan kung permanenteng binitiwan ng aking tatay ang kaniyang mga aparato nang may kompiyansang may maginhawang buhay para sa amin. Sa kasamaang palad, kahit napagtapos niya ng pag-aaral ang mga anak niya, tinalo kaming pare-pareho ng mapaglarong tadhana. Hanggang sa huling araw ng tatay ko na matatawag siya bilang isang manggagawa, naiwan pa rin ang pangamba. Bumalik ang takot noong mga panahong lugmok pa sa kahirapan ang kaniyang mag-anak. Ang kaibahan sa labang ito, unti-unti na ring kumukupas ang liksi ng bayani namin. Nais man niyang ituloy ang pakikipagsapalaran kahit bakas na sa mga kulubot sa kaniyang balat at puti ng kaniyang mga buhok ang maraming taon ng pagbabanat ng buto, hindi niya magawa dahil sa tusong kalaban.

Hindi na namin isinugal pa ang kaniyang kaligtasan at kalusugan, at tinanggap na lamang ang pagreretiro niyang walang sinoman ang nag-asam. Unti-unti mang bumalik ang pasok ng pera sa pamilya kalaunan, huli na ang lahat at hindi na naging espesyal at komportable, sa abot ng aming makakaya, ang kaniyang pagtigil sa pagkayod.

Tinapos ang tradisyon ng pagtatapos

Isa rin sa mga pinakanaapektuhan ng pandemya ay ang mga paaralan. Ang kapatid kong guro ay hindi man lamang naranasan ang paghahanda para sa isang maayos na seremonya ng pagtatapos para sa mga tinuruan niyang bata. Hindi rin siya nakabuo ng isang school year at hindi naging ganap ang karanasan bilang isang baguhang guro dahil napilitan siyang maghanap ng trabahong mas makabubuhay sa pamilya at tila nawalan na rin ng interes sa kaniyang dating larangan.

Higit sa hindi inaasahang pagtatapos ng landas ng aking kapatid bilang isang guro, nakalulungkot ding isipin ang biglaang wakas ng mga araw sa eskwela ng mga mag-aaral. Sa isang iglap, naging banta ang paglabas ng tahanan kabilang ang pagpasok sa paaralan. Ang mga pagkakaibigang pinatatamis ng bawat oras sa loob silid-aralan ay pinagdurugtong na lamang ngayon ng teknolohiya.

Ang mga nakatakdang magtapos nang taong iyon ay hindi na nakaranas nang matinong pamamaalam sa kanilang mga kaibigan, guro, at sa mismong institusyon, gayundin ang hindi na naitangi pa ang mga huling panahon sa itinuring na ikalawang tahanan. Sa unang bigkas, maaaring mababaw ang pagiging emosyonal sa hindi pagmamartsa, pag-akyat ng entablado, at pagdalo ng iba’t ibang programang isinasagawa bago ang mismong araw ng pagtatapos. Ngunit para sa mga nagkaroon nang maayos na huling yugto ng eskwela, isang hindi malilimot na karanasan ang buong proseso.

Kahit elementarya, haiskul, at kolehiyo, bahagi na ang pamamaalam sa mga naging kaibigan. Ang pagtatapos ng kabanatang ito sa kanilang pag-aaral ay hudyat rin ng pagwawakas ng koneksiyon, pagkikita, at kung minsan ay pagkakaibigan pa nga. Iba-iba ang rason—na kung minsan ay hindi na lang din natin alam kung bakit nangyari—ngunit batid ng mga magkakaibigang maayos na nagpaalam sa isa’t isa na anomang pilit nilang ipreserba ang kanilang relasyon, nauupos at nauupos ito sa pag-usad ng oras. Paano pa kaya ang nagtapos na buwan o taon ang inabot bago muling nagkita? Paano kaya ang mga pagsasamang natuldukan na lamang basta-basta at hindi naranasan ang mga madamdaming hudyat na nakatakda na silang mag-umpisa ng bagong kabanata sa kanilang buhay?

Nabigyan man ng pagkakataon ang iba na idaos kahit papaano ang pagmartsa upang pormal na tanggapin ang kanilang diploma, hindi naman maitatangging hindi na kailanman pa magiging buo ang naging karanasan nila sa paaralan. Sa mga darating na panahon, sa mga iilan-ilang kaibigang matitira at patuloy na makikita, ay wala kayong mga babalikang alaala sa kung paano nga ba nagtapos ang tila tsubibong landas ninyo para mapagtagumpayan ang hamon ng edukasyon. 

Ang mga ganitong pagtatanto ay para sa mga madamdamin—sa kasalukuyan. Marahil ito ay mula sa personal na pananaw, ngunit kung iisa-isahin natin ang mga mag-aaral na nakapatapos sa normal na panahon, nakatitiyak akong magkakatulad kami ng magiging sentimyento. Habang nadaragdagan ang ating edad, mababatid mong kaysayang balik-balikan ang memorya ng iyong kabataan at kalakasan, lalo na ang mga panahong puno ka ng magkakahalong damdamin ng pamamaalam sa mga taong minsan mong itinuring na kapamilya.

Pumanaw na kaugalian para sa mga yumao

Hindi ko lubos maisip kung gaano karaming tapang at lakas ng loob ang bitbit ng mga taong naulila sa kasagsagan ng pandemya. Sa panahong marami ang pinaghaharian ng takot—takot na malagay sa alanganin ang buhay at takot na dala ng marami pang epekto ng pandemya—may mga hindi nakaligtas sa biro ng tadhana.

Nasaksihan ko kung paano naging mas matinding pagsubok para sa pamilya ng isang kapitbahay ang paglabas-pasok sa ospital ng ilaw ng kanilang tahanan. May karamdaman na ito bago pa ang sitwasyong dulot ng nakahahawang sakit. Sa kasamaang palad, hindi na nito kinaya ang iniinda at tuluyan nang bumigay.

Ang kapitbahay na iyon ay magiliw. Laging imbitado ang mga taga sa amin sa tuwing may okasyon sa kanila. Dahil mas nakakatanda sa karamihan sa aming kalye, itinuturing na nanay-nanayan ng marami. Ang nakalulungkot, dahil mataas pa ang pangamba ng mga tao dahil sa COVID, hindi naiwasan ang magsuspetsiya sa totoong dahilan ng pagpanaw nito. May mga nag-agam-agam ding makiramay para na rin sa sariling kaligtasan.

Hindi na rin naibigay ang nakasanayang burol para sa kaniya. Nalimitahan sa tatlong araw lamang ang pagbibigay-pugay sa naging buhay ng ginang. May mga kaanak sa iba’t ibang lugar na hindi nagawang masilayan siya sa huling pagkakataon. Hindi rin napayagan ang mga klasikong gawain, tulad ng mga sugal at iba pang tradisyon, na madalas ay kabahagi ang ginang noong nabubuhay pa. Kung siya lamang siguro ang masusunod, nais niya ang normal na pag-alaala sa kaniya ng mga kaibigan at kadugo. Batid niya ang halaga ng mga ganitong uri ng pagtitipon—mula sa aspektong pinansiyal, hanggang sa bihirang pagkakataong pagkikita ng mga indibidwal na biglang magpapakita at para bang nalilimutan ang mga rason upang hindi magparamdam. Hanggang sa kaniyang huling hantungan, limitado ang napayagang dumalo. 

Para sa pamilyang naiwan, nakadagdag marahil sa kanilang lungkot ang hindi nakasanayang pamamaalam nila at kanilang mga kakilala sa kanilang mahal sa buhay. Siguro, kahit tanggap nila na ang lahat ng pagbabawal at pagbabago kahit sa panahon ng kanilang pagdadalamhati ay para sa ikabubuti ng nakararami, sasagi at sasagi sa kanilang isip ang panghihinayang. Manghihinayang ang mga ito sa pagkakataong mas maayos at mas malaya nilang naibigay ang nararapat na pagwawakas para sa isang nilalang na hindi nila batid kung muli nga ba nilang makakasama pa.

Sa araw-araw na nakaliligtas tayo sa banta ng pagkakasakit, araw-araw din tayong pinaaalalahanan na tanggapin ang bagong normal na para bang tuluyan na nating isinuko sa hindi nakikitang kalaban kung anong ginhawa mayroon ang ating buhay. Ngunit sa kabila ng mga panawagang yakapin ang realidad na wala na ang kakarampot na paraisong mayroon tayo sa lupa, may mga puso munang tuluyang nadurog. Maraming mandirigma ang ibinuhos ang buong lakas upang hindi magpagapi sa mga nakapanlulumong epekto ng pandemya. 

Kung nanalo man o natalo sila sa digmaang ito, sila lang ang makapagsasabi. Ngunit ang tiyak, anoman ang kinalabasan ng kanilang laban, marami sa kanila ang buong tapang na tuluyan nang namaalam sa mga nakasanayang wakas na hindi birong gawin.

#

Opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2022
Major isponsor ng SBA 2022: CCP
Major isponsor ng SBA 2022: DMCI

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.