Sorpresa Para Kay Nilo

Kahit walang pasok sa paaralan ay maagang gumising si Nilo. Agad siyang naligo at kinain ang almusal na iniluto ng kaniyang Nanay Alma. Maya-maya ay nagising na rin sina Lina at Dino, mga nakababata niyang kapatid. Dumating na rin ang kanilang Tiya Esther na magbabantay sa dalawang kapatid habang wala sina Nilo at kaniyang Nanay Alma.

Bago umalis, kinuha ni Nilo ang isang aklat at inilagay sa kaniyang bag. 

“Magpapakabait kayo, ha? ‘Wag painitin ang ulo ni Tiya Esther,” habilin ni Nilo sa mga kapatid at dali-dali nang naglakad.

Mga 15 minuto rin ang tinahak ni Nilo bago nakarating sa isang munting barong-barong malapit sa dalampasigan ng Barrio Pag-asa.

“Oh, anak. Buti naman at dumating ka na. Papaalis na ang bangka papuntang bayan. Ikaw na muna ang bahala rito sa tindahan natin,” sambit ni Nanay Alma.

“Opo, ‘Nay. Ako na po ang bahala. Mag-iingat po kayo,” sagot ni Nilo pagkatapos magmano sa ina.

Tuwing araw ng Sabado, si Nilo ang bantay ng kanilang munting tindahan sa dalampasigan ng Barrio Pag-asa. Habang nagbabantay ng kanilang tindahan, libangan ni Nilo ang pagbabasa. Liban sa mga aklat na ginagamit sa paaralan, mahilig din magbasa si Nilo ng iba’t ibang uri ng aklat tulad ng komiks, magasin, children’s storybooks, at mga nobela.

Wala mang pambili ng mga bagong aklat, nakababasa si Nilo ng maraming klase ng aklat dahil sa kaniyang Tatay Nestor. Matiyagang iniuuwi ng kaniyang Tatay ang mga lumang aklat na pinaglumaan ng mga anak ng amo nito.

Nakita ni Tatay Nestor na madalas ay naibabasura lang sa bahay ng amo ang mga bagay na mapakikinabangan pa tulad ng mga libro, magasin, at komiks. Sa halip na masayang, iniuuwi ito ng kaniyang Tatay Nestor sa kaniyang mga anak. Buwanan kung umuwi si Tatay Nestor na nagtatrabaho bilang isang drayber sa lungsod.

Dahil sa hilig sa pagbabasa, maraming bagong salitang natutuhan si Nilo na nagagamit niya sa eskwela. Marami rin siyang kaalamang nakukuha sa mga ito kaya naman isa siya sa mga nangunguna sa klase.

Dahil din sa pagkahilig sa pagbabasa, nakilala ni Nilo ang matalik na kaibigang si Dondon. Baguhan lamang noon si Dondon sa kanilang paaralan. 

“Ma’am, hindi ko po alam ang sagot,” nahihiyang sabi ni Dondon nang minsang matawag sa recitation sa klase ni Ginang Ramos.

Nakita ni Nilo ang pagkalungkot ni Dondon dahil wala siyang naisagot sa tanong ng kanilang guro. 

“Ayos lang ‘yan, Dondon. May susunod pa naman,” pinalalakas ni Nilo ang loob ni Dondon.

“Paano mo nagagawang makasagot kapag may recitation tayo?” tanong ni Dondon.

“Nagbabasa,” simpleng sagot ni Nilo.

“Hindi ba nakakabagot ‘yan?” tanong uli ni Dondon.

Tumgin si Nilo kay Dondon at iniabot niya ang isang magasing pambatang angkop sa kanilang edad.

“Hiramin mo muna. Basahin mo, ha?” sabi ni Nilo kay Dondon na tila nag-aalinlangan pang tanggapin ang aklat.

Pag-uwi ni Dondon, dahil sawa na siya sa mga laro sa Playstation na galing sa kaniyang Tatay na nasa Saudi, binuksan niya ang magasing ipinahiram ni Nilo.

Sa mga unang pahina, natuwa na agad siya sa nakita dahil naroon ang larawan ng ilan sa mga paborito niyang cartoon characters. May ilang larawan din ng mga larong nilalaro niya sa Playstation. Hindi namalayan ni Dondon na naubos na niya ang pahina ng magasin at binasa niya ang kabuoan nito.

Kinabukasan, nilapitan niya si Nilo.

“Tama ka, Nilo. Masaya nga ang magbasa!” nakangiting sabi ni Dondon.

Batid ni Nilo na mapagtatanto ng kaklase na hindi nakababagot ang pagbabasa. Kaya naman nagdala pa siya ng iba pang mga babasahin na ipahihiram sa kaibigan.

Inaya rin ni Dondon si Nilo sa kanilang bahay para sabay na magbasa ng kanilang mga teksbuk at pagkatapos ay mga aklat na ipinahiram ni Nilo.

Hindi malilimot ni Nilo kung paano siya namangha sa bahay nina Dondon. Malaki ito at maraming gamit. May mga naka-display ring larawan sina Dondon at pamilya nito sa iba’t ibang lugar na napasyalan nila.

“Wow, sa Baguio ito ah!” sabi ni Nilo sabay hawak sa isang picture frame sa ibabaw ng cabinet ni Dondon.

“Oo. Paano mo nalaman?” pagtataka ni Dondon.

“Nabasa ko kasi ito sa isang librong uwi ni Tatay,” sagot ni Nilo.

Para kay Nilo, ang pagbabasa ay isa ring paglalakbay—na kahit hindi man siya nakapupunta sa malalayong lugar, ay dinadala siya ng mga aklat sa magagandang destinasyon tulad ng Baguio.

“Bakit ka nahilig sa pagbabasa?” pag-uusisa ni Dondon.

“Noong una, hindi rin ako mahilig. Pero dahil sa mga uwing aklat ni Tatay, nalaman kong masaya palang magbasa. Lumalawak ang imahinasyon mo. Lumalawak ang mga nalalaman mo,” pag-uumpisa ni Nilo.

“Tsaka pangarap kong maging isang writer. Gusto kong makapagsulat at makagawa ng sarili kong libro. At kapag kumikita na ako, hindi na mga lumang libro ang babasahin ko. Makabibili na ako ng bago!” pagbabahagi ni Nilo.

Marami pang kamag-aral ang nahikayat ni Nilo na magbasa. Pinahihiram niya ang iba pang aklat na uwi ng kaniyang Tatay. Katulad niya, nakahiligan na rin ng mga kamag-aral ang pagbabasa, hindi lamang ng mga pinahihiram niyang aklat, kung hindi pati na rin ang mga babasahing may kinalaman sa kanilang pag-aaral.

Masayang-masaya si Nilo dahil madalas ay tungkol sa nilalaman ng mga aklat ang usapan nilang magkakaibigan.

_________________________________________________________

Ngunit isang araw, naharap sa isang suliranin si Nilo at kaniyang pamilya. Tumama ang isang bagyo sa Mindoro at napinsala ang Barrio Pag-asa.

Nakalikas naman sina Nilo at kaniyang pamilya. Gayunman, nawasak ng bagyo ang kanilang munting tahanan. Nadamay pati ang koleksiyon ng mga aklat ni Nilo. Nakapagdala lamang siya ng iilan-ilang aklat nang lumikas sila.

Malungkot man sa nangyari, nagpapasalamat pa rin si Nilo dahil ligtas ang kanilang pamilya.

Lumipas ang ilang araw at gumanda na ang panahon. Habang nasa evacuation center, dinalaw si Nilo ng kaniyang mga kaklase kasama si Dondon at ang Nanay nito. Dala nila ang isang malaking kahon.

“Nilo, may sorpresa kami para sa ‘yo,” hindi mapigilang sinabi ni Dondon habang itinuturo ang malaking kahon.

Dahan-dahan at tila nahihiyang nilapitan ni Nilo ang kahon.

“Buksan mo na, para sa iyo ‘yan,” sabi ni Nanay Delia, ina ni Dondon.

Binuksan din ni Nilo ang kahon. Namangha siya sa nakitang laman nito.

“Para sa akin po itong lahat?” hindi makapaniwala si Nilo.

“Oo, padala ‘yan ng Tatay ni Dondon. Libro kasi ang gustong pasalubong ni Dondon. Hindi na mga laruan at video games,” sagot ni Nanay Delia.

“Dahil alam ni Dondon na nawala ang mga libro mo dahil sa bagyo, sa iyo na lang daw ang padala ng Tatay niya,” dugtong ni Nanay Delia.

Hindi mawala ang ngiti sa mukha ni Nilo habang tinitingnan isa-isa ang mga bagong aklat, magasin, at iba pang mga babasahing bigay sa kaniya ng kaibigan. Ngayon lamang siya magkakaroon ng mga bagong aklat.

“Maraming salamat, Dondon,” si Nilo sabay apir sa kaibigan.

“Salamat din sa iyo, Nilo. Nang dahil sa iyo, nalaman namin ang kahalagahan ng pagbabasa,” sagot ni Dondon na siyang pagsang-ayon naman ng iba pang kaklase nilang naroon sa evacuation center.

“Tulad ng dati, pwedeng hiramin ang mga bago kong aklat!” sabi ni Nilo sa mga kaibigan.

Hindi akalain ni Nilo na dahil sa mga lumang aklat na uwi ng kaniyang Tatay, ay makahihiligan niya ang magbasa at marami siyang dagdag kaalaman. Dahil din sa mga lumang aklat, marami siyang naging kaibigang nahikayat niyang magbasa rin.

Pangako ni Nilo sa sarili ay tutuparin niya ang kaniyang pangarap na maging matagumpay na manunulat balang araw. Darating din ang panahong siya naman mismo ang makapaglilimbag ng sariling aklat. Sa ngayon, hahasain muna niya ang kaniyang panulat sa pamamagitan ng mga aklat na uwi ng kaniyang Tatay at sa mga bagong aklat na sorpresa sa kaniya ng matalik na kaibigan.

-WAKAS-

Ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Awards 2024.

Official sponsors:

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.