Dambana

Hindi ko maiwasang mapangiti habang tinititigan ko ang sarili sa salamin. Hindi pa rin ako makapaniwalang suot ko ang puting barong na dati ay plano lang natin.

Tandang-tanda ko pa kung paano natin pinangarap noon ang maikasal. Haiskul, mga gusgusing teenager na kahit hindi pa alam kung ano ang landas na tatahakin ay sabik na sa yugtong haharap tayo sa dambana at pagbubuklurin ng basbas ng Diyos.

Sinong mag-aakala na magiging tayo? Ibang-iba sa love at first sight ang love story natin.

Malinaw sa isip ko kung paano mo ibinalik ang papel ko sa quiz sa Hekasi na 2 over 20. Sa mga tingin mo kasama ang nakaasar na ngiti, alam kong sinasabi mong mag-aral akong mabuti.

Ako rin ang nag-check ng papel mo. Ikaw na ang 20 over 20. Ikaw na ang perfect.

Katakot-takot na kantiyaw ang inabot ko sa tropa noon. Isang babaeng transferee—na ngayon ay pinakamatalino na sa klase—ang nagpamukha sa aking wala akong kinabukasan.

“Wala ka pala eh,” panunudyo ni Jao, isa sa matalik kong kaibigan at bahagi ng tropang DOTA.

“First blood agad ni miss beautiful,” sundot pa ni Gab, ang nagpakilala sa akin sa larong DOTA na kinaadikan ko nang sobra.

Bilang isang lalaking ma-pride, nagsilbing hamon sa akin ang naging asta mo. Hindi naman talaga ako bobo. Sa katunayan, nagtapos akong valedictorian noong elementary hanggang sa mas maging priority ko ang tropa at online games.

“Isang rebyu lang ‘to,” sabi ko sa tropa.

Dumaan ang isa pang quiz. Tayo pa rin ang magka-exchange paper. Abang na abang akong magkamali ka ng isang item. Hanggang sa umabot sa number 20 at mali ang ispeling mo ng bourgeoisie

Hindi katulad noong nakaraang quiz, nakasimangot kang ibinalik sa akin ang papel ko. Ako naman ang nagbalik sa iyo ng papel mong may nakakalokong ngiti.

“Perfect!” napasigaw ang tropa sa score ko sa quiz.

Mapagbiro yata talaga ang tadhana. Sa Science naman, tayong dalawa ang naging magkapareha sa reporting. Kahit ayaw mo, wala ka nang choice para sa grade. 

Hindi mo ako kinikibo noong unang meeting natin para sa report. Abala ka sa paggawa ng lahat. Sabi mo, ikaw na ang gagawa ng mga materyales at aralin ko na lang ang kakarampot kong bahagi sa report.

“Bakit ka nga pala nag-transfer dito sa Manila,” lakas-loob kong tinanong kahit malaki ang tsansang hindi mo sasagutin.

“Nag-abroad ang mama ko. Sa New Zealand. Dito ako nakatira sa tita ko,” sagot mo habang abalang nagsusulat ng visual aids.

Nabigla ako dahil sumagot ka. Mahinahon ang boses. Para mo akong kaibigan. Nag-aalinlangan man akong sumundot ng susunod na tanong dahil baka limitado lang ang pagkakataon na gusto mo akong makausap, ibinato ko pa rin ang pangalawa kong tanong.

“Anong course ang kukunin mo?”

“Magdodoktor ako,” kalmado mong sagot muli.

“Ikaw? May pangarap ka ba sa buhay?” sabi mo.

Sa halip na maasar sa tanong mo, natawa na lang din ako. Natawa dahil napagtanto kong wala namang mali sa tanong mo. Wala rin naman kasi akong matinong isasagot dahil hindi ko alam ang gusto ko sa buhay. Ni hindi nga ako sigurado kung tutuloy ako sa college. Pati ikaw ay natawa na lang din.

“Mag-a-apply ako ng scholarship sa New Zealand. Doon ako mag-aaral para kasama ko si Mama,” naging seryoso uli ang boses mo.

Noon ay nalaman ko kung bakit masipag kang mag-aral. Hindi basta-basta ang pag-a-apply ng scholarship sa abroad. Pangmatalino talaga ang mga ganitong ambisyon sa buhay.

Nang araw ng reporting natin, sinumalan tayong tuksuhin ng adviser natin. Boto naman ang buong klase sa ating love team.

Kahit tapos na ang report natin, nagtuloy-tuloy ang paghatid ko sa iyo pauwi. Kahit wala nang gawain sa school, gusto pa rin kitang makita kahit uwian na.

“Wag ka nang magtangkang manligaw. Aalis din ako. Pupunta akong New Zealand, di ba?” diretsahan mong sinabi sa akin habang naglalakad tayo pauwi sa inyo.

“Eh kung sumama ako sa iyo sa New Zealand?” biro ko.

Hinding-hindi mawawala sa memorya ko ang isinukli mong ngiti nang sabihin ko iyon. Hindi dahil sa kinilig ka, ngunit alam mong ito na ang hudyat para maibalik mo ang interes ko sa pag-aaral.

Huminto tayo saglit. Binuksan mo ang bag mo at kinuha ang brown envelope.

“Sagutan mo ‘yan,” ikaw sabay ngiti.

Tinotoo mo ang biro ko. Ngayon, gusto mo na talaga akong mag-apply ng scholarship sa New Zealand. Kahit alam kong mababa ang tsansang makapasa, ginawa ko para sa iyo—para magkaroon ng kahit kaunting pagkakataon na maging tayo.

Sabi mo, kailangan nating mag-aral nang mabuti para maipasa ang interview at exam para sa scholarship. Unti-unti, bumalik ang interes ko sa pag-aaral. Nakalimutan ko na rin ang paglalaro ng DOTA. Hindi na ginagabi sa pagtambay kasama ang tropa. Naging sandigan ang pagbabasa sa oras na umuuwing walang tao sa bahay.

Sa buong buhay ko sa haiskul, ngayon lang ako uli pumapasok nang gawa na ang mga assignment. Ngayon ko lang uli narinig ang mga papuri ng mga teacher natin dahil lagi na akong may naisasagot sa recitation. Ngayon na lang din ako uli natutong mag-review. 

Sa iyo ko nahanap ang sayang matagal ko nang hindi nararamdaman, ang sayang huli kong naranasan noong hindi pa naghihiwalay ang aking nanay at tatay at may buong pamilya pa akong inuuwian.

Araw ng exam at interview. Kabadong-kabado ka. Ang isang matalino at puno ng kompiyansang ikaw ay bigla na lang napuno ng nerbyos. Unang beses kong nakitang huminga ka nang malalim dahil lagi ka namang sigurado sa mga ginagawa mo. Nauunawaan ko naman kung bakit ka nagkakaganyan. Ito ang matagal mo nang pinapangarap. Ito ang bagay na bubuo sa maganda mong bukas.

Hindi naman ako kinabahan noong interview at exam. Wala naman talaga sa plano ko ang mag-aral sa ibang bansa. Mas kinakabahan pa ako sa realidad na ilang buwan na lamang ay maaaring magwakas na ang pinakamagandang bagay na nangyari sa akin sa mga nakalipas na buwan.

Niyakap mo ako pagkatapos ng interview mo. Naluha ka. Sabi mo, hindi mo alam kung naging sapat ang mga sagot mo.

“Paano kung ‘di ako makapasa?” nag-aalalang sabi mo.

“Paano kung ako ang ‘di makapasa?” ibinalik ko ang tanong sa kaniya.

Sa pagkakataong iyon, tila noon ka lang din namulat sa kahihinatnan ng relasyon natin. Hinawakan mo lang ang mga kamay ko. Liban sa tensiyon bago ang exam at interview, isa ito sa mga pagkakataong nakita kitang hindi ka sigurado.

Pagkatapos ng Christmas party natin, ipinatawag tayo ni Gng. Andal, ang ating adviser. Pinapunta niya tayo sa principal’s office. 

“Dito ipinadala ng University of Auckland ang resulta ng entrance test at scholarship ninyo,” mahinahong sabi ni Gng. Andal sabay abot sa amin ng tig-isang envelope.

Ramdam ko ang kaba mo habang binubuksan ang sobre. Ang kaninang masaya at masigla sa party ay tensiyonado na ngayon. Hindi ko rin alam ang nararamdaman ko habang binubuksan ang sobre. Sa bawat pilas ng pagkakadikit ng tuping bahagi ng sobre, ay tila nalalagas ding panahon na magkasama kami.

Hindi ko pa man nababasa ang sulat para sa akin, nakita na kitang umiiyak. Hikbi ng lungkot. Hikbi na tila gumuho ang mundo mo. Tumingin ka sa akin at umiling, senyas na hindi ka nakapasa sa inaasam na unibersidad.

Sinilip ko na rin ang sulat para sa akin. Tila lumobo ang ulo ko sa nabasa. Nakapasa ako at makatatanggap ng full scholarship. Hindi ko alam ang mararamdaman. Hindi ko rin alam kung paano sasabihin sa iyo na pumasa ako.

Pinuntahan kita at niyakap. Niyakap nang mahigpit. Iniabot ko na lang sa iyo ang sulat at isang hindi maipintang tingin ang naibigay ko.

Paglabas natin sa opisina ni ma’am, umupo ka sa isang tabi. Doon ka humagulhol. Doon mo ibinuhos ang emosyong kanina mo pa gustong ilabas.

“Tumuloy ka,” sabi mo sabay tingin sa langit.

“Hindi ko ito pangarap—wala akong planong iwan ka,” sagot ko sabay hawak sa pisngi mo.

“Full scholarship ‘yan, Carlo. Sabi mo, walang balak sinoman sa nanay at tatay mong pag-aralin ka. Ito na ang pagkakataon mo,” sabi mo habang pinupunasan ang mga luha mo.

“Pero paano ka? Paano tayo?” sagot ko na nag-umpisa na ring maging emosyonal.

“Kung hindi ako, ikaw ang tutupad ng mga pangarap ko. Mas magiging masaya ako na isa sa atin ang magkakaroon ng magandang bukas,” ikaw na pinupunasan ang luha ko.

“Hindi kita kayang iwan,” sagot ko.

“Ipagpapatuloy ko ang mga pangarap ko rito. Nakapasa rin naman ako sa La Salle. Magiging doktor ako. Magiging doktor tayo,” pagsiguro mo.

“Doc Carlos! Kumusta? Welcome back to the Philippines,” sabi ni Agnes, best friend mo.

“Ang init sa Pilipinas!” biro ko habang kungwari’y nagpunas ng pawis.

“Masaya akong nakapunta ka,” sabi ni Agnes, best friend mo na maid of honor mo rin ngayong araw.

Dumating na ang wedding coordinator. Inayos na niya tayong mga entourage. Nasa venue na rin ang groom. Katulad ng dati, wala pa ring humpay ang kulitan ng tropa kapag nagkikita-kita.

“Angas ni Doc. Muntik nang di umabot,” hirit ni Gab na akmang susuntuking pabiro ang tiyan ko.

“Traffic sa Pilipinas. Walang pagbabago,” sabi ko.

Sa buong barkada, ang groom lang ang tahimik at puno ng kaba.

“Kinakabahan na ‘yan, baka umatras si Donna,” pang-aasar ni Harry na tropa naming kauuwi lang din galing Amerika.

Maya-maya pa, nag-umpisa na ang paglakad ng mga kasali sa entourage.

Bilang Bestman, pilit kong pinakakalma ang groom na wala pa man ay iyak na nang iyak.

Ilang sandali pa, binuksan na ang pinto ng simbahan. Lahat ay namangha sa ganda ng suot mo. Masayang-masaya akong nakita kang suot ang pinapangarap na traje de boda.

Habang naglalakad ka papalapit sa dambana, hindi na napigilan ni Jao ang maluha. Tanging tapik na lamang sa likod ang naibigay ko sa kaibigan.

Aminado naman akong lubhang naging abala sa university. Iba ang pressure ng pag-aaral sa abroad. Iba rin ang obligasyon na dapat kong seryosohin ang pag-aaral dahil nakasalalay ang scholarship.

Unti-unti rin taying nanlamig sa isa’t isa. Abala ka rin sa pag-aaral mo. Abalang pinagsasabay ang pagtatrabaho at ang pagtupad sa pangarap na maging doktor.

Masakit man, naipagpalit kita sa mga pangarap ko—sa hindi inaasahang pangarap, sa hindi inaasahang buhay na magugustuhan ko pala. Ako na mismo ang bumitaw sa relasyong bumago ng buhay ko. Kahit mahirap sa iyo, tinanggap mo ang desisyon ko. Sabi mo pa, ikaw naman ang may gustong lumayo ako. At kung ikaw rin ang nasa New Zealand, malamang pareho rin ang gagawin mo.

“Mas mahalaga ang pangarap,” katulad nga ng lagi mong sinasabi.

“You may now kiss the bride,” sabi ng pari.

Kitang-kita ang saya mo nang isang pangarap mo na naman ang natupad. Alam ko kung gaano kaligaya ang puso mo dahil naging realidad na ang noon ay dream wedding mo lang.

Dalawa sa pinakamahalagang tao sa buhay ko ang nabiyayaan ng wagas na pagmamahalang pinagtibay pa sa harap ng dambana ng Diyos. 

Marahil ay hindi ordinaryong makita na nananatili kaming magkakaibigan sa kabila ng mga pinagdaanan namin, lagi namang walang imposible sa puso at isip na handang umunawa.

Tuwing itatanong sa akin kung anong nararamdaman kong ikakasal ang matalik kong kaibigan sa dati kong nobya, lagi kong isinasagot na, “nang pakawalan ko siya, nawalan na rin ako ng karapatan sa mga desisyon niya sa buhay.”

Aaminin ko, hindi naging madali sa akin. Nakaramdam din ako ang pagkabalisa nang malaman kong nagkakamabutihan na sina Jao at Donna. Ngunit sa pagkakataong ito, ako ang kinakakailangang umunawa. Ako ang kinakailangang magpaintindi sa sarili kong hindi dapat mahadlangan ang dalawang taong nagmamahalan dahil sa pagiging makasarili.

“Paano kung si Jao at Donna talaga ang para sa isa’t isa? Paano kung sa kanila talaga nahanap ang totoong saya? Wawasakin ko ba iyon dahil ex ko si Donna? Dahil best friend ko si Jao? Mas paiiralin ko ba ang nararamdaman ko, ang sasabihin ng iba, kapalit ang panghabambuhay na kaligayahan nila? Kaya ba ng konsensiya ko?” lagi kong paalala sa sarili. 

Katulad nang hindi mo isipin ang sarili mong pangarap upang magkaroon ng direksiyon ang buhay ko, batid kong mas mahalagang isipin ang magandang kinabukasan ng isang taong importante sa akin kaysa sa kung anong idindikta ng puso ko. Alam kong kasama si Jao ay natagpuan mo ang tunay na pagmamahal—isang uri ng pag-ibig na hinding-hindi ka iiwanan.

Tapos na ang kasal mo; ang isa sa pinakamasayang araw ng buhay mo. Pagkatapos magpaalam ng maraming bisita, nilapitan mo ako nginitian.

“Hi, Doc,” biro mo sabay yakap.

“Congratulations, Doc San Juan, este Mrs. Martinez,” kinamayan kita at natawa tayo.

“Salamat, Carlos,” makabuluhan ang titig mo sa akin.

“Salamat sa iyo. Salamat at binago mo ang buhay ko,” naluluha kong sabi.

Tinapik mo ang balikat ko at nagpaalam na aasikasuhin pa ang ilang mga bisitang papauwi na.

Napangiti na lang ako habang pinagmamasdan kayo ng mister mo sa espesyal na araw na ito. Marahil, pahiwatig na ng tadhana ang unang beses na nagkausap tayo—ang epic fail na exchange papers natin—na hindi talaga tayo itinakda upang magmahalan habambuhay. Pahiwatig iyon na daraan ka sa buhay ko hindi para maging kabiyak ng puso ko, kung hindi para bigyan ng saysay ang eksistensiya ko.

Tanggap ko na kung bakit tayo nagkakilala kahit hindi tayo para sa isa’t isa. May mga pag-ibig talagang hindi nauuwi sa kasal ngunit mananatiling mahalaga ano man ang mangyari. Katulad mo, hindi man kamay ko ang hawak mo palagi, hawak-hawak ko naman ang isang magandang bukas na hindi magiging posible kung wala ka.

– WAKAS – 

Opisyal na lahok sa Saranggola Awards 2023.

Official sponsors:

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.