Kinain ng bakunawa ang buwan
ayon sa mga sinaunang paniniwala.
Tulad kung pa’no nilalamon sa kasalukuyan
ng mga dragon ang mga dapang-dapa.
Sa mga relihiyoso, ito na raw ang paghuhukom
ang panahon ng paghataol ay nalalapit na raw.
Ngunit sa mga hikahos, nilalamangan, at nagugutom
matagal nang nagdurugo ang bawat buwan at araw.
Sa siyensiya, pambihirang penomena
na ang biglaang dilim ay naging kamangha-mangha.
Marahil ang karimlan ay nakabubulag nga,
dahil kahit sa liwanag ay matagal nang nangangapa.
Kailan kaya darating ang araw na tayo’y magiging buwan?
Na ang kapangyarihan ng araw ay ating matatakpan?
Sa eksistensiyang ito’y posible pa ba?
Na ang maliliit naman ang nasa harapan?